Sa Mga Pusong Hindi Marunong Lumimot
Post date: Mar 22, 2016 7:57:15 AM
Ni: Catherine C. Garnado ng COBNHS
Master Teacher I
Facebook. Social networking site na gamitin ng kahit na sino. Bata, matanda, pulitiko, guro, estudyante at kung sinu sino pa na naghahanap ng kanilang mga malapit na kakilala o kaibigang matagal ng walang balita at nais na muling magkaroon ng ugnayan. Kasama na rin dito na malaman ang mga impormasyon sa mga bagay na nagpapalawak ng kaisipan.
Malaki rin ang naging impluwensiya nito maging sa edukasyon. May mga pagkakataon na dito nailalagay ang mga anunsiyo sa mga pagbabago tungkol sa DepEd. Maging ang kawalan ng pasok kapag bumabagyo na inaabangan ng mga guro at estudyante.
Minsan may estudyanteng nag- add sa akin sa Facebook. Siya ang tipo na hindi masyadong nagpapapasok sa klase. Kahit hindi ako ang kanyang gurong tagapayo hindi ko pinalagpas ang pagkakataon na i – accept siya. Naka online siya ng mga oras na yon at wala pang ilang saglit ay nagbigay siya ng mensahe. Nagsabi siya na kung maaari pa ba siyang pumasok sa klase. Dali dali kong sinagot ang mensaheng iyon na hinihintay naming siya na bumalik sa paaralan. Nagdalawang isip pa siya kung siya ay tatanggapin ngunit mabuti na lamang at siya ay nakumbinsi ko.
May mga pagkakataon na hindi alam ng guro ang eksaktong bahay ng kanyang estudyante. Naging malaking tulong din ang internet sa paghahanap at komunikasyon sa kanila. Minsan ang pagbibigay ng mensahe sa kanila bilang kanilang guro ang hinihintay lamang pala nila para muli silang makabalik sa kanilang silid – aralan.
May mga pagkakataon na nagagamit din ang site na ito sa mga bata na nais magsabi ng saloobin tungkol sa pag-aaral na hind nila masabi sa loob ng klase. Sa mga nahihiyang magtanong kung saan sila nahihirapan, at sa mga batang gusto lamang ng atensiyon.
Hindi man sila ang mga modelong estudyante na hinahangad ng bawat guro ngunit kinakikitaan naman sila ng potensiyal. Maaaring mag-alab ang motibasyon sa kanila upang baguhin ang kanilang buhay para umayos.
Naglaan ka man ng oras at panahon sa mga batang ito hindi naman ito talaga lubusang nasayang. May mga pagkakataon na ang mga pasaway noon na nagsipagbago ay nasa kolehiyo ngayon at patuloy na nagsusunog ng kilay para sa kanilang mga pangarap.
Sa mga pagkakataon na dumarating ang iba’t ibang okasyon tulad ng kaarawan, kapaskuhan, bagong taon, araw ng mga puso, maging araw man ng mga guro at kung anu - ano pa at lumipas man ang taon at panahon, ang mensahe ng pagbati at pasasalamat mula sa mga batang binigyan ng pagpapahalaga maging ito man ay personal o sa social media ay napapaalala na sila ay may mga pusong di marunong lumimot.