Pung… Tagu-taguan
Post date: Mar 8, 2018 3:18:50 AM
Ni: Soren Loviza O. Espiritu
Teacher I – Bataan National High School
“Pung, taya ka”, sigaw ni Joshua anak ng aming kapitbahay.
Maliwanag na naman ang buwan, pulasan ang mga bata. Ito ang gabi na paborito nilang maglaro ng taguan. Kahit madami ng gadgets na nauso iba pa ring saya ang dulot nito sa kanila.
Naririnig ko pa ang malakas nilang tawanan lalo at nakahuhuli siya ang “taya”. Kapag sumigaw na ito ng “Pung”, unang aalingawngaw ang malakas na tilian at sigawan at iduduyan ka nito sa iyong kamalayang ibalik ka sa pagkabata.
Kaysarap maging bata, walang anumang suliranin… pero maitatanong mo pa din, “Ano kaya ang magiging bukas nila?” Isa pa “Kanino ba ito nakasalalay?”
Sinasabing ang una sa listahan ng mga pananagutan sa kinabukasan ng isang bata ay ang kanilang mga magulang. Samantalang ang mga guro naman sa paaralan ang nagsisilbing ilaw na siyang nagiging tanglaw sa pagkakamit ng kanilang mga pangarap.
Ang buhay ng mga bata sa paaralan ay maihahambing sa larong taguan. Ang mga guro ang maihahambing sa mga taya sa laro, ang mga mag-aaral ang mga manlalaro at ang palaruan ang paaralan.
Ang sabi ng “Taya” pagbilang ko ng tatlo, magsitago na kayo. Sa tuwina’y inihahambing ang mundo sa isang malaking Quiapo, puno ng pakikipagsapalaran, ang palaging labanan, matira ang matibay. Kaya nga sa tuwina, mahalagang pagyamanin at paunlarin ang sarili upang maging handa sa anumang pagsubok na ating susuungin.
Naisip ko, nagkawala na silang lahat, naghahanap ng mabuting taguan nang hindi mahuli ang taya. “Ayan na, hanapan muna”.
Katulad ito ng isang palaisipan kung makakamit ba ng mga bata ang kanilang mga pangarap. At maihahambing ang mga guro sa “taya”, pabayaan sana silang mangarap, paunlarin ang kanilang mga sarili at pagyamanin ang talentong kaloob ng Diyos.
May ilang kasali sa laro na mahusay sa taguan. Sila ang mga mag-aaral na pinaghahandaang mabuti ang kanilang kinabukasan. Sila ang mahigpit na nagtatago sa bantayog ng kanilang mga pangarap.
Mayroon din namang madaling mahuli sa laro dahil hindi pinag-iisipan ang pinagtataguan. Ito ay maihahalintulad sa mga batang nangarap at sinubukang abutin ito subalit nabigo na maabot ito dala ng mga pagsubok sa buhay. Kung buo lamang ang kanyang pagpupunyaging magtago, marahil mahihirapan silang mahuli o mataya muli.
“Pung, huli ka!”, ang dali niyang nahanap ang mga nagtago. Maihahambing sila sa mga gurong hindi nagtitiis at nagbibigay ng pagkakataon sa isang batang ipakita at pagyamanin ang talinong taglay nito. Nagmamadali sa paghuli ng taya dahil katulad sila ng ibang gurong suweldo lamang ang mahalaga. Ang iba nawalan nang sigla sa pagtuturo dahil kinulang sa “pagmamahal” sa sinumpaang tungkulin na dala ng pag-uugaling makasarili at kawalan ng pananagutan sa kapwa.
Minsang umuwi ang aking anak na tawa nang tawa, kaya pala, iniwan nila ang taya. Ang sabi pa, “maghanap siya sa wala”. Pinabalik ko siya at binilinan sabihin sa taya na “ayawan” na. Ang tayang ito na di sumuko sa paghahanap ay ang mga gurong walang hanggan ang pagtitiis at pagtitiyaga at patuloy na umaasang “may pag-asa pa”. Maituturing silang mga Dakilang Nilikha na pinagkalooban ng naiibang gawaing humubog ng kanilang kapwa upang makalikha ng mabuting tao sa lipunan.
“Pung… Huli ka.”
“Taya na naman?”
“Ayoko na.”
“Bukas… harangang batis naman.”