Teknolohiya: Epektibo or Negatibo?
By: Jourdan B. Miranda
Administrative Aide
Date posted: Feb. 26, 2019 | 1:23 PMSa panahon ngayon, ang mabilis na pagyaman at pag-unlad ng teknolohiya sa ating mundo ay talagang hindi matatawaran. Dahil ang ating mga eksperto ay walang hinto sa pag-aaral upang ang ating teknolohiya ay mas mapayabong pa at lalo pang maging kapaki-pakinabang sa ating pang araw-araw na pamumuhay at pangangailangan.
Mapabata man o mapatanda, tila ba lahat ng tao ay gumagamit na nito at masasabi nating ito ay parte na ng ating pamumuhay. Modelong telepono na may kamera, magagarang sasakyan, malalaki at malalapad na telebisyon, komputer, ito ay ilan lamang sa ating mga kagamitan na produkto ng magandang teknolohiya. Ngunit paano nga ba natin malalaman na ang mga ito ay epektibo o mayroong negatibong dulot sa atin?
Epektibo ang teknolohiya kung ito ay talagang nakakatulong na mapabilis at mapagaan ang mga gawain sa araw-araw. Tulad ng pagpapadali ng komunikasyon, pagkuha ng datos na kailangan, malayo ka sa pamilya, ngunit nandiyan lang dahil sa skype, gruvio or skred. Nagiging negatibo naman ang epekto nito kung ang paraan ng paggamit ay labis-labis na, at walang naitutulong, at nag dudulot ng pinsala sa iyong katawan at kalusugan, higit sa lahat dahil sa teknolohiya nasira ang pamilya.
Ang lahat naman ng bagay dito sa mundo ay mayroong maganda at hindi magandang naidudulot, nasa ating mga kamay nakasalalay ang pamamaraan ng paggamit ng teknolohiya magresulta man ito ng negatibo o positibo sa ating buhay. Basta laging ninyong tatandaan… “Sa Teknolohiya maging WAIS huwag kang LALABIS!”