Mga Turo ni Lola Nidora: Dapat Nga Bang Tangkilikin ng mga Mag-aaral?
Post date: Apr 11, 2016 2:02:12 AM
Ni: Gng. Maria Rajima D.C. Custodio- Teacher I
City of Balanga National High School
‘Di lingid sa kalaaman ng nakararami ang pagiging sikat ng Kalye Serye ng isang noontime show. Ang biglang pagsikat ng Kalye Serye ang siyang nagpasikat sa tambalang Alden at Yaya Dub o kilala sa “Aldub”.
Subalit gaano nga ba ka-epektibo ang mga aral na sinasabi ni Lola Nidora? Dapat nga bang pakinggan at tularan ng mga kabataan ngayon ang mga payo at pangaral na ibinibigay niya sa programa? Maari nga bang sundin pa ng mga kabataan ang kanyang mga payo gayong nabubuhay na tayo sa makabagong panahon na kung saan ang pagliligawan ay ginagawa na lamang kung saan-saan at kahit sa paanong paraan.
Sa naturang Kalye Serye, madalas ipangaral ni Lola Tidora ang lumang kaugalian ng panunuyo o panliligaw. Nais nyang sa pamamagitan ng noontime show na ito, muling mabuhay ang tradisyonal na paraan ng panliligaw. Gayundin ang mga lumang kaugalian ng pagrespeto sa mga nakakatanda gaya nang pagmamano, pagpapanatili ng “po” at “opo” at ang tapat na pag-ibig na dapat ay pinaghihirapan at ibinibigay sa tamang panahon.
Ang mga aral na itinuturo ni Lola Nidora ay ipinagmamalaki ng mga moralista sa ating bansa. Ito rin ay itinataguyod ng mga kaparian, mga guro, at mga magulang. Sa pamamagitan ng kanyang mga aral, naibabahagi ng mga matatanda kung paano dapat na pinapahalagahan ang isang relasyon. Ipinapakita rin ng mga aral ni lola ang pagmamahal sa pamilya.. na sa kabila ng pag-ibig sa isang tao, mas dapat pa ring manaig ang pagmamahal sa pamilya.
Ang Kalye Serye rin ang nagpapaalala na kahit na hindi tunay na kadugo ang isang tao, maaari syang ituring na tunay na miyembro ng pamilya..na maaaring magmahal ng hindi kadugo… na ang mahalaga ay ang tunay at taus-pusong pagtanggap sa isang tao. Sa programa ring ito, itinuturo ni Lola Nidora ang pag-respetong dapat ibigay ng mga kalalakihan sa mga kababaihan. Na hindi nangangahulugang kung nagpapakita ng pagtatangi ang isang babae sa isang lalaki, ito’y agarang susunggaban ng isang lalaki. Na dapat ipakita na ang tunay na pagmamahal sa isang itinatangi ay dapat na sinisiguro, pinaghihirapan at inilalagay sa tamang lugar at panahon.
Maraming kabataan sa ngayon ang hindi na kumikilala sa sistema ng tamang panliligaw. Madalas, ang paggamit ng teknolohiya gaya ng Facebook, Twitter at Instagram ay mga paraang ginagamit ng mga kabataan upang makipagligawan. Marami na rin ang napahamak sa pagggamit ng makabagong paraan ng pakikipagligawan. May mga taong nagsasamantala sa kahinaan ng iba sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pekeng larawan upang makatawag ng atraksyon sa ibang taong nais nilang mabiktima. Ang mga inosenteng kabataan ay tuluyang nahuhulog sa bitag ng kapahamakan.
May mga insidente rin kung saan ang mga kababaihan ang madalas na bikitma ng “cyber crime”. Na may mga pagkakataong naniniwala sila sa mga kalalakihan na nanagpapakilala sa social media at humahantong sa rape o pagsasamantala. Sa pakikipagkita ng mga unang “eyeball” nila, dito madalas nangyayari na sila ay napagsasamantalahan.
Ano nga ba ang magagawa ng mga turo ni Lola Nidora sa ating mga kabataan?
Una, ang pakikinig sa kanyang mga aral ay pagtuturo ng tamang pagkilatis sa isang taong mamahalin. Na dapat munang kilalanin ang isang taong dapat nating ibigin at pag-ukulan ng buhay at panahon.
Ikalawa, ang pagtulad sa tradisyunal na panliligaw ni Alden Richards kay Yaya Dub ay pagpapakita ng pagiging makaluma sa paraang patuloy nating tinatangkilik ang mga sinaunang turo ng ating mga ninuno.
Ikatlo, ang pagpapatuloy ng isang relasyong binabasbasan ng mga nakakatanda ay mga relasyong pangmatagalan. Ito’y hindi itinatago bagkus ay ipinagmamalaki. Na dapat tandaan ng mga bawat kabataan na mas mabuting nakikilala ng pamilya ang pagkatao ng bawat isa. Ang pakikipagrelasyon ay hindi kasing-simple ng pagpapalit ng damit, na ang pag-ibig ay hindi nagmumula sa parehas na mayamang angkan o mahirap na angkan. Na tulad ng mga fairy tales, may mga pag-ibig na maaaring mamagitan sa isang sikat na tao at ordinaryong mamamayan.
Ikaapat, ang pag-ibig ay hindi idinadaan sa simpleng pagyayakapan, na kapag naradamang gusto na ang isang tao ay agad na sasabihing “pagmamahal yan.” Ito ay dapat na sigurado at ipinaplanong gawing panghabam-buhay. Na dapat ay yakapin ang pamilya at ito ay gawing katuwang sa pagtupad o pagsasakatuparan ng isang pagmamahalang pangmatagalan.
Hindi tatangkilikin ng simbahan at paaralan ang Kalye Serye na ito kung hindi makabuluhan ang mga turong iniiwan nito sa mga manonood. Ang mga payo ni Lola Nidora ay makalumang paraan subalit dito natin naipapakita kung gaano kataas ang antas ng kagandahang asal ng mga Pilipino sa buong mundo. Na mataas ang ating pagkilala sa ating kultura at pagmamahal sa mga tradisyong ipinamana pa ng ating mga ninuno. Na sa kabila ng makabagong panahon, maaari pa rin nating mapanatili ang ugaling Pilipino – mapagmahal sa pamilya, mataas ang respeto sa mga tao at pag-ibig na pinagpapaguran sa tradisyunal na paraan.
Si Lola Nidora at ang kanyang mga turo…tunay ngang susi na maaaring magbukas ng bagong kabataan na magpapahalaga sa pagiging Pilipino. Na marangal na magsasabing “Ako’y isang kabataang Pinoy… sa isip, sa salita, at sa gawa.”