Ina ng mga Mamamahayag
Post date: Nov 6, 2015 6:46:14 AM
ni Nerissa D. De Jesus
MT-I
Bataan National High School
“Tila ba tadhana na ang naglapit sa akin , sa mga mag-aaral na itinuturing kong pangalawang anak sa paaralan. Mga kabataang nag-uumapaw sa kagustuhang matuto at maipakita ang abilidad . Gutom sa pagsulat ng artikulo , gamit ang kanilang pluma. Mga journalist na nagbigay inspirasyon sa akin,upang pasukin ko at mahalin ko ang mundo ng pamamahayag.”
Si Kim, estudyante ko sa Grade 10, tahimik. Malalim kung mag-isip. Nakitaan ko ng potensyal sa pagsulat. Sumulat siya sa kapirasong papel, “Sa mundo ng panitikan at pamamahayag nakilala ko ang aking sarili” simple pero may pitik sa puso. Kinausap ko siya,” ang ganda ng sinulat mo Kim “ Naaninag ko ang kanyang pagkabigla. Ako lang daw ang unang guro na pumansin sa kanya”. “Hindi ka ba naniniwala sa sinabi ko?”. Nangiti siya. Lumakad palayo sa akin. Nakaramdam ako ng paghanga sa kanya. Nasabi kong “nakatuklas muli ako ng isang binhi”.
Sa buhay school paper adviser, layunin kong tumuklas at maghatid ng kaalaman sa mga mag-aaral na manunulat. Gabihin man sa trabaho , mahirapan at ma-stress, ayos lang, matapos lang ang diyaryo sa deadline… Deadline ! Kulang pa ako ng artikulo, pagod na rin ang Editor-In-Chief, . Tulad ko,wala siyang kapaguran. Hindi ko narinig na umangal , lagi kaming sabay sa pag-uwi. Napadaan kami sa isang barung- barong. May dalagitang nakatingin sa akin, nakangiti, “Ma’am , gabi na po kayo” sabi ni Kim. “Oo may tinatapos kami”. “Diyaryo po Ma’am ? maaari po bang sabayan ko kayong lagi sa pag uwi at… maging parte na rin ng publication?” nahihiya pang sabi ni Kim, “Bukas punta ka sa akin, may ipapagawa ako sa iyo”. May kislap ang kanyang mga mata sa narinig mula sa akin. Alam ko madaragdagan ang mga manunulat sa aming paaralan, kay sarap ng pakiramdam.
Sa dalas ng gabing pag-uwi, may kinakaharap ding problema sa bahay, may tampo ang tinig ni bunso, “Nay gabi ka na naman “. Tahimik naman si Tatay, magkahalong inis at tampo sa dalas na gabing pag-uwi matapos lang ang diyaryo . Pero alam ko , nadarama ko, batid niya ang responsibilidad ng isang school paper adviser, kaya walang masamang salita akong naririnig sa kanya. Ang training na apat na araw , sanay na sila. Kahit wala ako,
Mahirap ang buhay ng isang ina ng mga mamamahayag. Masarap, dahil nakatutuklas ka ng bagong binhi na maghahatid nang magandang bunga sa iyong paaralan at kabataan. Sana dumami pa silang mga mag-aaral ng panitikan, dumami pa tayong mga guro ng mga Mamamahayag….. Ina ng mga Mamamahayag. Ikaw? Kasama ka ba namin ?