Buhay sa apat na sulok
ni: Raquel B. Manlapid
Teacher II - COBNHSTuwing sasapit ang buwan ng Hunyo ‘di magkamayaw sa pagpili at pagbili ng mga kagamitang pampaaralan ang halos lahat ng estudyante. Mga nananabik magbalik eskwela bitbit ang kani-kanilang mga bag laman ang paboritong kulay at disenyo ng mga kwaderno kasama ang lapis, pantasa, pambura, papel at kung anu-ano pa. Habang ang iilan namang masisinop at maiingat na mag-aaral ay dala-dala ang mga pinaglumaang kagamitan.
Unang araw ng pasukan, ang ilang mga estudyante ay sabik habang ang ilan naman ay nabitin sa bakasyon. Tuwing araw ng Lunes hanggang Biyernes, pagtunog ng maliit na kampana sa paaralan na mauulinigan na palatandaang magsisimula na ang klase. Karaniwang alas-otso ng umaga ang oras ng pasok sa Elementarya at Sekondarya. Tuwing Lunes naman sa pagitan ng alas-siyete ng umaga hanggang alas-otso ay inaatasan ang bawat estudyante at guro na magsipila para sa pagpupugay sa watawat ng Pilipinas upang maging daansa paghubog sa pagmamahal sa bayan na pinasisimulan sa isang dasal at pagtatapos sa ilang mga anunsyo ng mga guro at punong-guro.
Ang buhay estudyante sa loob ng apat na sulok ng paaralan ang isa sa huhubog sa kanilang pagkatao. Nariyan ang ating mga guro bilang pangalawang magulang sa lahat. Iba’t-ibang klase ng mag-aaral, kani-kaniyang interes at pag-uugali ngunit nagkakatugma-tugma sa ilang kwentong nagpahirap at nagpasaya sa buhay natin sa loob ng paaralan. Nariyan ang Periodical Tests kasama ang mga graded recitations, biglaang pagsusulit at reportings na ikinakakaba at may kasamang pawis ng ilan sapagkat mahiyain sa pagtayo at sa harap ng lahat.
Ang ilan naming nakasisiyang balikan ay ang mga karanasan sa makulay na Intramurals o School Festivals na taun-taon ginaganap. Nariyan din ang mga ilang Sports at Academic Competitions para sa mga may angking husay at talino at ang isa sa kinapananabikan ng lahat ay ang JS Prom o Graduation Ball na kung saan may pagkakataon ang lahat na maisayaw ang taong napupusuan o nagugustuhan. Bagama’t bahagyang nakakalungkot ito sapagkat hatid nito ang realidad na nalalapit na ang araw ng Pagtatapos sa Sekondarya kaakibat ang kaisipang mahihiwalay na sa mga malalapit ng kaklase o kaibigan sapagkat iba’t-ibang interes ang nais na kuning kurso sa Kolehiyo.
Nakakatuwang magbalik-tanaw sa lahat ng mga kaganapang kasama ang mga pilyo, makukulit at mabubuting kaibigan sa paaralan. Kay hirap at kay saya maging estudyante ngunit wala ng mas sasaya pang alaala na makita ang ating mga magulang na kay tamis ng mga ngiti na makita ang mga anak na naka-toga, naglalakad sa entablado bitbit ang diploma. Isang kapirasong papel na napagtapusan sa pag-aaral at pagkatuto ng kaalaman na maluma man ng panahon ngunit hindi kailanman mananakaw ninuman.