ANG PAGKAIN NG MGA GURO
Post date: Nov 6, 2015 6:41:48 AM
Ni Nerissa D. De Jesus
MT-I
BATAAN NATIONAL HIGH SCHOOL
Pagkain. Isang salita subalit milyon na ang katumbas. Pagkain.,salitang tila mundong iniikutan ng madla.
. Kung walang pagkain, walang sigla ang ating katawan, nakikita at nadarama mo ito kung ang isang tao ay kulang sa sustansya. Nanlalambot, Malamya. Walang gana.
Bilang isang guro, hindi kami humaharap na kumakalam ang aming mga sikmura sa aming mga mag-aaral, mahahalata ka, mapagkakamalang hindi ka handa sa aralin, “mukhang maysakit si titser !” Sa pagkain kumukuha ng lakas sa mapaghamong pagtuturo sa paaralan. Anu-ano nga ba ang paboritong pagkain ni titser sa araw-araw? Halika ! samahan nyo akong tuklasin !
Almusal
a. Itlog- Madaling iluto, pwedeng palaman sa pandesal, kasama ng hotdog o corned beef.
Masustansya,mayaman sa protina at calcium . Kailangan ito ng mga guro ,
upang tumagal sa maghapong pagtuturo. Tulad ng itlog , ang guro ,
kailangang lagi siyang kasama ng kanyang mga mag-aaral, masarap siyang
kasama, masarap kapartner at maging kaibigan.
b. Kanin- Mas mainam kung kumain ng kanin o sinangag si Ma’am o si Sir sa umaga,
Bakit ? Dahil kailangan niya ng pagkaing nagbibigay init at lakas sa katawan.
Ikaw ba naman ang humarap sa kulang 300 estudyante maghapon, lasog ka na
pag-uwi mo. Tulad ng kanin, ang guro ay nagbibigay init sa mga mag-aaral na
magpursige sa kanilang pag-aaral .
c. Tuyo-Ang hamon ng mga Pilipino. Masarap na pang-almusal , isawsaw mo pa sa
kamatis ! Makakalimutan mo na nag rereduce ka ! Maalat ! Pero mayaman sa
protina. Tulad ng tuyo , ang guro, dapat nagbibigay alat sa mga mag-aaral ,siya
ang nagpapaalala sa buhay na pinahiram sa atin ng ating Panginoon, kaya dapat
na pahalagahan at gamitin nang wasto upang maging kapaki-pakinabang.
d. Kape o gatas- Masarap na kape ! Uso na ang instant coffee ! Pag walang kape sa
almusal parang kulang ang buhay. Tulad ng kape, ang guro, instant ina sa
kanyang mga mag-aaral , naniniwala sa lahat ng sasabihin. Kaya ,
maging maingat sa mga binibitawang salita sa harap nila.
Pananghalian
a. Sinigang – Masustansyang pananghalian dahil two in 1 dish . Masarap na kilig asim !.
Karne o isda pa ang pwede mong isigang! Madali ring iluto, isalang mo lang
magagawa mo pa ang ibang gawain sa bahay. Tulad ng sinigang ,ang guro ay
dapat nagpapakilig sa kanyang mga mag-aaral, patunayan na kayang kaya
ang sinumpaang trabaho kahit nagkakaedad na ! Si Ma’am may asim pa !
b. Ampalaya- Masarap kahit may pait ! Magandang pampababa ng sugar ng katawan,
pampaganda ng daloy ng dugo dahil sa makukulit na mag-aaral . Ang
ampalaya tulad ng guro, hindi madaling harapin ang mga mag-aaral,
maaari maging mitsa ng buhay ang kakulitan o kapilyuhan ng mga
estudyante.
Ampalaya ding maituturing kung ang isang guro, ay hindi napapansin ang
kahusayan niya sa pagtuturo, dahil mayroong tinitingnan sa tinititigan!
Ampalaya din ang buhay ng mga guro sa hirap buhay , andiyan
sila na tagapagpalwal sa mga singilin sa mga estudyante, kahit maliit ang
sahod , nandiyan din ang mga guro na nagbibigay ng baon o pagkain sa
kanyang mga mag-aaral, mahirap man ang buhay pero masarap makita
ang mga mag-aaral na patuloy sa kanilang pag-aaral.
c. Menudo- Sama samang sahog na may sarsa ! Tiyak napapa hmm…sarap! Masustansya
at klik sa masa ! Ang menudo, tulad ng guro, swak sa mga mag-aaral,
masarsa o malasa sa mga pagbibigay ng mga kaalaman, di lamang sa kanya-
kanyang asignatura gayundin sa pagharap ng mapanghamong buhay !
Hapunan
a. Adobo- Lutong Pinoy! Paborito ng lahat ! Mapa ibayong dagat man , linamnam ng
adobong baboy o manok ang hanap !
Ang adobo ,tulad ng guro , tagapaghasik sa isipan at damdamin na dapat
mahalin at magmalasakit sa Inang Bayan !
b. Sinigang sa Bayabas (Sapsap)- Swak na swak ang sabaw na masarap sa katawang pagal ni Ma’am at Sir ! Abot kayang sarap sa presyong iyong hanap !
Tulad ng sapsap , ang guro, ay simple lamang, di naghahangad ng ano pa man ,kundi maghatid ng kabutihan at maging modelo ng kabataan !
Panghimagas
Minatamis na saging- Sa sarap at sustansya di pahuhuli , saging na saba aba’y paborito ng balana .
Ang minatamis na saging , tulad ng guro ay nagpapangiti sa kanyang mga mag-aaral na sa kabila ng mga hinaing ay nariyan siya at inspirasyon sa iba.
Leche Flan- Anumang okasyon ay laging naroroon, sa pinahalong gatas at itlog sa lasa ay kampiyon ! Sa kremang sarap ,tiyak number 1 ang sarap !
Ang leche flan ,tulad ng guro, laging naroon siya sa kanyang trabaho, hindi umuurong, lumalaban at gustong manguna ang kanyang mga mag-aaral .
Mansanas o Saging- May kasabihan nga sa ingles “An Apple a Day o Banana a Day makes the Doctor’s Away !” Ang guro tulad ng mansanas at saging , bawal magkasakit ! Iniisip ang kapakanan ng kanyang mga estudyante, baka mapahamak sila kung wala siya sa klase.
Marami pang paboritong ulam si Ma’am at Sir, kailangan nila ang masustansyang pagkain sa pagharap sa kanilang trabaho at paboritong mga mag-aaral na umaasa sa kanilang magandang pananaw sa buhay ! Sana makalikha pa ng maraming resipi para sa magandang kalusugan nila Ma’am. Nawa ang pagkain na iyon ay pahabain pa ang kanilang buhay at maging inspirasyon pa sa ibang mga mag-aaral.