Bata! Bata! Sa Mundong Ating Ginawa
Post date: May 21, 2015 1:23:34 AM
Ni: Mr. Roylan T. dela Cruz
Teacher III, BNHS
Bilang magulang o magiging magulang, paano mo ba gustong lumaki ang iyong mga anak? Siguro, gaya ng lahat, ang nais mo rin ay ang isang anak na masunurin, mabait, matagumpay, at ang iba pang mabuting katangian ng isang anak.
Ayon sa aking napanuod sa 700 Club Asia, mayroon daw apat na uri ng magulang na lumilikha ng uri ng mga anak na mayroon sa ating lipunan ngayon. Una, sila ang mga magulang na labis na mapagmahal. Lahat ng nais ng kanilang mga anak ay ibinibigay, ngunit nagkukulang sa pagbibigay ng disiplina. Sa tingin n’yo, anong uri kaya ng anak ang nililikha nila? Sila ang mga anak na nagiging Spoiled Brat. Di marunong makibagay sa iba at nagiging suliranin ng lipunan.
Ang ikalawang uri naman ay magulang na labis kung magbigay ng disiplina ngunit kulang sa pagmamahal. Ang kanilang mga anak ang nagiging Juvenile Delinquent Child kung saan nagreresulta sa pagkakaroon ng mga anak na kriminal. Di man nila ito sinasadya, ngunit nagiging suliranin ng lipunan ang kanilang mga anak.
Ikatlong uri ay magulang na kulang sa pagmamahal at pagbibigay ng disiplina sa kanilang mga anak. Ang ganitong uri ng mga anak ang nagiging rebelde, sa tahanan man o sa eskwelahan. S’yempre, sila ay suliranin ng tahanan, eskwelahan at lipunan.
Tumutukoy ang ikaapat na uri ng magulang doon sa mga nakapagbibigay ng tamang disiplina at tamang pagmamahal. Sila ang mga uri ng anak na may takot sa Diyos, kaya sila ay karangalan ng kanilang magulang. Sila ang mga anak na nagiging matagumpay sa buhay.
Ang tanong, alin sa mga uri ng anak na nabanggit ang nais natin? Tiyak walang nais pumili sa unang tatlong uri ng magulang at anak. Pero, bakit marami ang ganitong uri ng anak sa lipunan? Ano kaya ang maaari nating magawa bilang mga guro sa uri ng mga anak na rebelde, spoiled brat at juvenile?
Bilang guro, tayo ay mga magulang ng mga batang ito. Ibig sabihin, tayo ay kasama sa responsibilidad ng paghubog sa mga kabataang ito. Kailangan, kilalanin natin ang ating mga mag-aaral at sikaping maibigay ang mga bagay na kulang sa kanila. Minsan, dahil di natin lubusang kilala ang mga batang ito, labis tayong nagagalit sa kanila. Sermon tayo ng sermon. Di natin alam, baka ganito rin ang nangyayari sa tahanan. Minsan ang paaralan ay nagsisilbing labasan nila ng mga di nila magawa sa tahanan.
Nakakabuti ang ginagawa ng maraming guro na Home Visitation. Ito ay isang paraan upang makilala natin an gating mag-aaral at gawin ang responsibilidad panlipunan. Tandaan natin, sila ang mga batang resulta ng mundong ating ginawa para sa kanila. Tayo ang pinagmumulan ng daang kanilang tatahakin sa susunod na panahon. Tayo ang magiging gabay nila sa pamamangka nila sa ilog ng kanila-kanilang buhay.