PAGSULYAP SA NAKARAAN, ISANG ALAALA
Ni: MARK JASON T. PEREZ
Ulong Guro III, City of Balanga National High School, City of Balanga, Bataan
Date posted: January 23, 2020 | 2:03 PMSa panahon natin ngayon napakasuwerte ng batang nag-aaral na sinusuportahan ng kanilang magulang. Bakit ko ito nasabi?
Nakita ko sa social media ang isang crew na nagtratrabaho sa isang fast food chain na nakatanggap ng maraming likes at comment sa FB dahil sa kanyang kasipagan.
Sana Makita ito at tularan ng mga kabataan na sa kabila ng kahirapan hindi ito hadlang upang maabot ang gusto nating pangarap sa buhay.
Naalala ko noong ako ay nag –aaral. Gigising ng 3am para magtrabaho hanggang 12 ng tanghali, papasok sa paaralan ng ika – 1 ng hapon hanggang ika – 5 ng hapon. Halos araw –araw ganito ang aking gawain para lang makapagtapos ng pag – aaral. Pagdating ng sabado at linggo namamasada ng tricycle o kaya magbubuhat ng silya at lamesa kila kuya Japay kapag may mga nag aarkila.
Kay sarap balikan ng mga alaalang ito ng aking buhay, na sya na ring naging inspirasyon ko upang ako’y lalong maging matatag. Salamat sa Diyos at ako’y ginabayan at higit sa lahat sa mga taong naging bahagi ng aking buhay na tumulong upang marating ko ang aking kinalalagyan ngayon, mga naging guro ko sa elementarya at hayskul, mga pribadong tao, sa aking mga naging amo noon.
Sa ganitong paraan ang nakaraan ay dapat huwag kalimutan sa halip ito ang magiging pundasyon ng isang tao upang lalong maging matatag at sagupain pa ang mga darating pang pagsubok sa buhay. Huwag sayangin ang pagkakataon na ibinibigay sa atin lalo’t nandiyan ang mga magulang na patuloy ang pagsuporta upang ibigay ang tamang edukasyon.
Isang sulyap sa nakaraan, na patuloy na dapat alalahanin upang maging bahagi ng buhay noon, ngayon at sa kasalukuyan.