GAYA NG DATI

Post date: Oct 6, 2016 6:03:27 AM

Ni: Sheila M. Corpuz/T-III

M.Delos Reyes Memorial E/S

Naalala mo ba? Sa ilalim ng punong mangga duon tayo natuto sa isang piraso ng yeso at binubukbuk na libro, na kung saan nabuo ang payak na buhay ngunit matagumpay na henerasyon. Teknolohiya, ekonomiya, at siyensiya iyan ang bunga ng makalumang panahon, malayong-malayo sa nakaraan. Alin nga ba ang mas epektibong paraan pagdating sa sinasabing “quality education”? Iyan ba ang pinagtibay ng pagsusumikap, katas ng dunong at hirap? o isang bagay na bigla na lamang sumulpot at binago ang lahat? Sabayan mo akong magnilay-nilay pabalik sa kahapon. Pansinin mo ang mga kabataan ibang-iba ang pag-uugali noon, silang may malalim na adhikain sa buhay. Hindi uso ang malalalang sakit gaya ng cancer, kidney failure atbp. Matumal ang droga at krimen. Bibihira ang mga magulang na nangingibang bansa kaya’t ang mga anak ay nasisinop sa tahanan, nahuhubog ang magagandang asal at higit sa lahat nagagabayan ang kanilang mga anak sa pag-aaral. Kahit saan dako namumutawi ang disiplina. Sa isang piraso ng libro lahat ng kaalaman mababasa mo. Ang mga guro, sila ay may sariling sikap at may imahinasyong antigo para maipamahagi ang karunungang ninanais mo. Walang ibang pinagkakaabalahan kundi ang magturo at diligan ang mga batang uhaw sa karunungan. Sinasabi nila mahirap at malupit ang buhay noon ngunit masasabi kong maganda ang kalidad ng edukasyon.

Imulat mo ang iyong mga mata, nasa makabagong panahon ka na. Lumiit ang mundo simula nang umusbong ang teknolohiya kasabay rin nito ang pagliit ng pag-asa na muling matuto ang mga kabataan sa sarili nilang paraan at kakayahan. Kung may takdang aralin hindi na libro ang kanilang binubuklat kundi isang tablet, hahanapin ang Google o Encarta click may sagot kara-karaka. Natuto ba silang mag-isip? Hindi! Bagkus natuto silang umasa sa teknolohiya. Pati pag-uugali binago na ng sistema, epekto ng pornograpiya at dota. Si Ma’am napabayaan na ang klase, may urgent report, updating ng data online at kung ano-ano pang activities. Hi-tech ika nga para daw mapabilis ang trabaho nila. Pero napabilis ba ang pagbasa ng mga bata? Ang pagbilang nila kumusta na? may pagbabago ba? Wala! Dahil ang lahat ikinulong na ng teknolohiya. Ilang pamilya na ba ang sinira ng facebook, Instagram at twitter. Nakatulong ba? Hindi!

Ang epektibong pamamaraan tungo sa magandang kalidad ng edukasyon ay ang debosyon at dedikasyon na magturo, matuto at mag-aral. Mawala man ang mga makabagong bagay sa mundo, patuloy ang tao ay magsasaliksik at matutuhan ang kaalaman sa sarili nilang paraan gaya ng kung paano tayo nagsimula at bago pa man sumibol ang teknolohiya. Huwag mawalan ng pag-asa nakasalalay pa rin sa ating mga kamay ang magandang kinabukasan. Bakit hindi natin subukan? Gamitin muli ang maka lumang pamamaraan baka sakaling ito ang siyang maging kasagutan at susi sa hinaharap.. gaya ng dati.