Nagsisi- si Ma’am
ni: Michelle S. Mamalateo
Teacher I, COBNHS - Date Posted: October 16, 2018
Dumaan ang taon.Dumaan pa ang maraming taon.
Isang kainipang bumalot sa aking katauhan at natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nagtatanong ng ganito- “Sa dinarami-rami ng propesyon bakit dito pa ako napunta?”, tanong ko ng paulit-ulit,marahil naitanong na rin sa kanilang sarili kagaya ko.
“Alam natin na hindi madali maging isang guro.Sila ay nagpapakasakit at nagsasakaripisyo upang mahubog ang kahusayan ng mga mag-aaral.Kaya itinuturing na ang guro ay mga buhay na bayani”,wika nga ni Department of Education(DepEd) NCR Director Ponciano Menguito.Ang sarap pakinggan para kang nasa alapaap.Ngunit bakit parang ngayon ano itong gumugulo sa isipan ko?Tila ako’y may pagsisisi.
Tuwing titignan ko ang aking aaralin,tambak na trabaho,batang makukulit at di kalakihang sahod .Tila gusto ko ng bumalik sa nakaraan at pumili ng ibang propesyon.Pero tunay na nasa huli talaga ang pagsisisi.Ngunit nagsisisi nga ba ako?
Na kapag ako’y naglalakad hindi maaring walang “Good morning Ma’am” o dili kaya “Hello Ma’am” akong nadidinig.Kapag ako’y may dala-dalang mga sandamakmak na papel nandyan sila para tulungan agad ako.Ang pagmano saiyo ng di mo na halos makilala at sabay sabing “Kamusta ka na Ma’am?”.Ang pagbigay nila ng Card pag may okasyon na gaya ng Teachers’ day o Valentines’ day na tiyak pinagawa ng kanilang guro na kundi lukot ay puro bura naman pero nandoon ang salitang “I Love you Ma’am at Sir”.Yung nakikita mo sila na nagsisikap na matuto kahit ang totoo ay pagod ka na sa kakaulit ng maraming beses.Ako’y natigilan at napaisip nagsisisi nga ba ako?
May nagsisisi ba na panay kang nag-iisip ng paraan para maganyak at matuto sila.May nagsisisi ba na may galak at sabik kang nadarama kapag may natutunan sila na kahit ang simpleng pagbibilang ng pantig sa tula o di kaya’y matukoy ang tauhan sa maikling kuwento.Ang pagtahimik nila pag ikaw ay galit at ang pagtawa nila pag ikaw ay masaya.Ang pagsunod nila ng mabilisan kapag binilangan mo sila.Maaaring ang iba ay makalimot.Ngunit may ilan na madadama mo na minahal ka nila bilang magulang o minsan higit pa sa kanilang magulang.
Ngayon nagsisisi ako bakit ako nagtatanong pa kung bakit ko napili ang propesyong ito?Pilit na hinahanap ang sagot pero alam ko naman pala ang sagot sa tanong ko . Nandito ako hindi para ipadama na ako’y nagsisi- kundi para maipakita na ako ay nagsisikap,nagsisipag,nagsisilbing modelo,nagsisigurado sa magandang inabukasan ng mga batang gaya ninyo.Kaya ako ay nagsisilbi sa inyo ng walang pagsisisi.
Sa daraan pang taon,daraan pang maraming taon.Naglilingkod para sa iyo,Si Ma’am na di na magsisi!