GUTOM
Post date: Mar 3, 2015 6:44:15 AM
Ni: SHEILA M. CORPUZ T-III
M.Delos Reyes Memorial Elementary School
Almusal daw ang pinakamahalagang pagkain sa maghapon. Kailangan daw ito upang magkaroon tayo ng enerhiya na magbibigay lakas sa buong araw. Ngunit mayroon tayong mga kababayang kahit kape ng mailalagay sa sikmurang impis ay wala. Sila ang mga taong kahit anong kahig ay walang matuka.
Hindi kaligtas sa aking paningin ang mga batang nasa ganitong kalagayan sa tuwing pumapasok ako sa paaralan upang magturo. Mga batang pinandidirihan ng karamihan dahil sa uhugin nilang ilong at payat at marusing nilang pangangatawan. Mga batang ni pambiling bag ay wala kaya heto’t selopeyn na lamang nahiningi sa tindahan ang pinaglalagyan ng mga gamit pampaaralan. Sila ang mga batang pumapasok na walang baon at may sikmurang kumakalam.
Si Juan (di tunaynapangalan) ay nasa ganitong pamumuhay. Siya ang unang batang dumaan sa aking mga kamay noong una akong masabak sa larangan ng pagtuturo. Ang tatay niya ay walang trabaho, istambay sa salitang balbal, ang nanay niya’y umeekstrang labada at apat silang magkakapatid, panganay siya. Minsa’y nakakuwentuhan ko siya at nang tanungin ko kung hindi ba siya nahihirapan ay kaagad niyang sinabing, “Mahirap po pero kailangan ko pong pumasok. Kawawa po kasi si nanay kaya gusto ko pong makatapos, Pagtapos ko pong high-school magtatrabaho na po ako para kina nanay at mga kapatid ko. Iiwan din po naming si tatay, nambubugbog po kasi siya.” Agad naantig ang puso ko sa pangarap at pananaw ng batang ito. Na imbis na lumayas at mapariwara ay hayun, nagsisikap pang mag-aral.
Hindi ko mapigilang humanga sa mga ganitong mag-aaral. Pinipilit na pumasok kahit gutom. Kahit ang lapis nagamit ay kapantay na lamang ng hinlalaki sa kamay. Kahit pati papel ay wala at pahirapan pang makahingi sa katabi. Wala mang pamasahe sa pagpasok ay gumigising nang maaga at naglalakad umabot lamang sa unang asignatura sa umaga. Kahit hindi maayos ang tahanang kinagisnan, kahit bawat batang nakakasalubong niya ay maaaring inuuri ang kanyang pagkatao base sa kanyang panlabas na kaanyuan. Mahalaga sa kanya ang pagpasok sa klase.
Kaysa yang pagmasdan kung ang bawat batang mag-aaral na nagmula sa iba’t-ibang estado sa buhay ay katulad niya na may pagpapahalaga sa pag-aaral. Na ang nagsisilbing dahilan ng pagpasok nila sa araw-araw ay hindi ang baong pambili ng mamisong kendi o Special Buko Shake sa canteen kundi ang mga pinagtagni-tagning maliliit na pangarap na nabubuo sa kanilang murang kaisipan. Mga batang maliit man kung sila ay titignan, ngunit mas matayog pa sa lipad ng saranggolaa ng kanilang mga pangarap.