Si Froggie Kokak at ang Guro

Post date: Jun 4, 2015 3:10:52 AM

Ni Flordeliza B. Castor, Teacher III

Guro sa Filipino – Bataan National High School

Kumusta! Ako si Flor simpleng guro, natuwa ako sa kwentong ito ni Froggie Kokak “a retired bullfrog who lives in the backyard of Fernandez residence. “ Naisip ko ang buhay niya ay maaaring iugnay sa buhay naming mga guro. Ang mga bagay, hayop at halaman sa ating paligid kapag pinagtuunan mo ng pansin madami kang matututunan.

Ganito ang buhay ni Froggie Kokak may pagkakatulad siya sa buhay namin.

Tirahan:

Sabi ni Froggie gustung-gusto niya ang tirahang maraming halaman sa paligid tulad ng gabi, sili, kamoteng kahoy at lugar na puwedeng niyang paglaruan. Masaya siyang namumuhay dito kasama ang kapwa niya palaka.

Ganoon din ang guro, umaabot ng maraming taon sa paborito nilang “bahay” ang “paaralan” masaya sila dito. May mga halaman at mga mag-aaral sa paligid nila.

Kung kay Froggie, “kokak” lang ng kapwa niya palaka, nabubuhay ang araw niya, kami isang “maam” lang na may ngiti ayos na.

Pagkain:

Simple lang ang pagkain niya, mga insekto. Ito ang nagpapalusog sa kanya.

Simple lang din ang pagkain namin “magandang samahan at masayang salu-salo.” Kahit nilagang talong at bagoong masaya na kami, basta sama-sama habang pinag-uusapan ang mga karanasan sa araw-araw na pagtuturo.

Ehersisyo:

Madami niyan si Froggie ang ehersisyo niya’y talon, lundag at langoy.

Kami, tulad din niya…lakad at lakad pa. Mahusay na ehersisyo yan… hingal kalabaw pa nga sa pagtakbo, sa paghabol sa “biometrics”. Sa paggawa at pagkuha ng report para kaming si Darna na kailangan ang lakas sa pagtuturo, madaling maubos ang nakatago naming “calories” sa katawan. Kahit ganoon, kapag nakasalubong o nakasabay namin sila sa uwian, nakangiti pa rin sila.

Lumalaki rin daw ang tiyan ni Froggie dahil tamad mag-ehersisyo. Kami rin sa oras ng “pahinga” nakaupo habang subsob sa dami ng dapat tapusin… lesson plans, report cards, pagwawasto at pagrerekord ng pagsusulit pero ehersisyo pa rin yun… ng utak.

Paliligo:

Paborito yan ni Froggie dasal nga niya lagi, umulan dahil mahilig siyang maligo.

Ganoon din ang guro hindi makakapasok nang hindi bagong paligo, naliligo kasi kami ng bagong kaalaman para maibahagi sa aming mga mag-aaral.

Polusyon:

Sa tirahan pala ng palakang tulad ni Froggie may polusyon din? Iyan ang mga basurang itinatapon sa paligid.

Kami kaya ano ang polusyon sa buhay? Stress dahil sa pag-aalala sa deadlines ng mga “reports” at sa pagdidisiplina sa mga estudyanteng pasaway.

At iba pa:

Sabi ni Froggie sobra ka na, sikreto na raw ang iba, kasi pag sinabi pa niya baka sabihin mo “sana palaka na lang ako.”

Ang buhay ng guro masaya, minsan malungkot, pero ang trabahong ito ang hindi mo maipagpapalit sa iba sa dami ng buhay na nabago mo dahil sa pagpasok mo sa buhay nila.

Naisip mo ba puwede palang magkatulad ang buhay ng palaka at ng guro?