Guro; Bayani sa Bagong Panahon
Post date: Oct 10, 2017 7:28:20 AM
Ni: Evelyn G. Contreras T-III
City of Balanga National High School
“ Ma’am mahirap po bang mag teacher?, iyan po ba talaga ang gusto nyo noong bata pa kayo?”…… tanong na madalas kong marinig sa aking mga estudyante. Ngingiti na lang ako at sasabihing “mahirap kung pasaway kayo pero madali lang kung mababait kayo, oo naman pangarap ko ito, gusto kong maging teacher.
Sa totoo lang nahihirapan ako, minsan nga nasasabi ko sa aking sarili “bakit ba ito ang napili kong propesyon?”. …..Ang hirap kapag makatagpo ka ng estudyanteng pasaway, ayaw gumawa, puro daldal, di mapakali sa upuan at ang pinakamasaklap, walang galang. Ang hirap kapag gumawa ka ng exam, paulit ulit dahil dapat tama ang pagkakagawa….. tapos makikita mo sa araw ng exam may mga nanlalambang lang kaya naman kung gaano mo katagal hinanda at ginawa simbilis naman ng kidlat kung sagutan ng mga bata. Ang hirap kapag may bata kang ayaw ng mag-aral, pabalik-balik ka sa bahay nila mapapasok mo lang paluwal ka na sa pamasahe pero ang magulang wala naming pakialam kung ayaw ng mag-aral ng anak nila. Ang hirap kapag may bata kang naliligaw ng landas…. Hanggang sa pagtulog iniisip mo kung paano mo sya maisasalba. Ang hirap kapag nakikita mo ang mga batang pumapasok ng hindi kumakain….minsan nga kakainin mo na lang ibibigay mo pa sa kanila. Ang hirap kapag nagkasabay sabay ang mga reports, hanggang sa bahay bitbit mo ang mga paper works.
Pero kahit nahihirapan ako madalas natutuwa naman ako. Mahirap maging guro pero masarap….. masarap kapag ang mga batang pasaway nakita mong tumino. Masarap kapag ang mga batang walang galang lalapit sayo at hihingi ng paumanhin. Ang sarap sa pakiramdam kapag nakikita mo na may mga bata na masayang nag-aaral at natututo sa klase mo. Nakakatuwa kapag sa buong taon ng pagtuturo mo ay may maisalba kang bata sa kabila ng paghihirap mo na subaybayan ang pagliban nya sa klase at naituwid mo ang kanyang landas. Sobra ka ring masisiyahan kapag may makita ka sa lamesa mo na simpleng sulat at nakalagay na “YOU’RE MY HERO” (dahil alam nila na kahit wala kang pera naaabutan mo sila kapag wala silang pagkain). Masarap dahil hanggang sa pag-uwi mo pakiramdam mo ang laki ng nagawa mo sa buhay nila. Ang sarap, dahil sa mga simpleng pagmamalasakit, para sa mga bata malaking bagay iyon at sobra-sobra ang kanilang pasasalamat.
Sabi nga kapag naging guro ka dapat punong puno ka ng pasensya at dedikasyon. Mahirap talaga kung hindi ka magpapasensya, mahirap talaga kung wala kang dedikasyon. Dahil ang pagiging guro ay parang nanay o tatay lahat ng sakripisyo ay gagawin upang mapabuti ang anak. Ang lahat ng hirap ay kakayanin dahil sa huli kapag nakita natin ang bunga ng ating pasensya at dedikasyon , kapag nakita natin ang mga bata na nakamit nila ang kanilang tagumpay, doble ang sarap at tuwa na ating mararamdaman.
Tunay ngang, guro ka sa lahat ng pagkakataon, may panahon, may oras, magulang kung ituring at higit sa lahat makabagong Bayani.