“Kabataan! Ano’ng magagawa mo?”
Post date: Jan 23, 2015 3:01:23 AM
Ni: Maria Rajima DC. Custodio
Magulo…Maingay…Maraming nag-aaway na magkakapit-bahay!!! Ilan lamang yan sa mga senaryong nasasaksihan ko sa araw-araw. Madalas kong tanungin ang aking sarili, “Ano ba ang pwede kong gawin upang makatulong mapanatili ang kapayapaan sa aking kapaligiran?”
Ikaw, naitanong mo na ba kung ano ang pwede mong ibigay o magawa upang maging mapayapa ang iyong komunidad? Nais mo bang tulungan ang iyong komunidad na mapanatili ang kapayapaang hinahangad ng bawat isa sa araw-araw?
May mga bagay na kung minsan ay nais nating gawin subalit dahil sa kakulangan ng kaalaman ay hindi natin naisasagawa. Minsan, ang ating kabataan ay nagbabantulot na makatulong kahit alam nilang sila ay may magagawa.
Bilang isa sa mga kabataan ng ating komunidad, maaari kang sumali sa organisasyon o kapisanan ng mga kabataan sa inyong barangay na naglalayong maging bahagi ng pag-unlad ng ating komunidad. Sa pamamagitan nito, maaari ka ring makipagtulungan sa pagtataguyod ng mga palaro gaya ng basketball o kaya’y volleyball para sa mga kabataan. Gayundin, maaari mong himukin na sumali ang ilan pang kabataan lalo na yaong mga naliligaw ng landasin at nalululong sa masamang bisyo. Maaari ka ring magbahagi ng iyong mga talento sa pamamagitan ng pagtuturo. Kung ikaw ay maalam sa musika gaya ng pag-gigitara, maaari kang magturo ng libre sa mga nagnanais na matuto nito. Kung pag-awit naman ang iyong talento, maaari kang magtatag ng grupo na mahilig sa pag-awit. Maaari ka ring magturo ng pagguhit kung ito’y isa sa iyong mga kaalaman.
“Ang pagkakaroon ng maraming kaibigan ay nanaisin ko upang sila ay maging katulong ko sa pagbabahagi ng kapayapaan sa aking komunidad. Maaari kaming sumama sa mga tanod na nagbabantay ng kapayapaan sa aming lugar. Magsisilbi akong tagapamayapa ng dalawang grupong may alitan. Tutulong ako sa mga opisyal ng barangay sa kanilang mga proyektong pangkapayapaan.”
Hindi hadlang ang pagiging bata sa edad para lamang may magawa sa pagpapanatili ng kapayapaan. Ang mahalaga, alam natin kung paano maging responsableng mamamayan ng ating komunidad.