“Guro, Dakila Ka!”
Post date: Feb 14, 2017 12:38:30 AM
Sammy Y. Sabello
T-II, City of Balanga National High School
"Kabataan ang pag-asa ng bayan", isa ito sa mga hindi malilimutang kataga ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na siyang nagmarka hanggang sa kasalukuyan upang mamulat ang mga kabataan hanggang sa kasalukuyang henerasyon kung ano ba talaga ang kahalagahan ng edukasyon sa ating buhay. Ngunit sa kabilang banda, mayroon ding umuusbong na katanungan ang ilan sa kung paanong mapapahalagahan ang edukasyon at kung ito ba ay naibibigay sa pinaka-kalidad na paraan.
Subukan nating huwag tingnan ang panig ng mga tagatanggap ng sinasabing maka-kalidad na edukasyon sa Pilipinas. Ating pag-usapan ang siyang tagapagbahagi ng mga ito. Kanino ba dapat magsimula ang karunungan? Saan ba ito dapat sinisimulang sanayin? Sa magulang ba na kasama ng mga bata mula sa pagsilang hanggang sa sila´y tumutuntong sa pitong taong gulang o ang mga gurong kasama nila walong oras sa loob ng isang araw at limang araw sa isang linggo mula sa pitong taong gulang hanggang dalawampu´t isa o higit pa? Tunay bang malaking impluwensiya ang ng mga guro sa buhay ng mga mag-aaral?
Sa sampung mag-aaral na pumapasok sa eskwelahan, ilan kaya sa mga ito ang naiimpluwensyahan ng kani-kanilang mga guro? Paanong nakakaimpluwensiya o naging inspirasyon ang mga guro sa buhay ng mag-aaral ?
Base sa aking karanasan, lagi kong isinasagot na gusto kong maging guro sa aking paglaki. Hindi kailanman sumagi sa aking isipan kung bakit nga ba gustong kong maging guro, hanggang sa nagsimula na akong pumasok sa eskwelahan at mamulat sa kung ano ba ang ibig sabihin ng pagiging guro.
Maraming bagay ang isinasaalang-alang sa pagiging guro, mula sa kanilang mag-aaral, sa kanilang kapwa guro, sa nakatataas, hanggang sa kanilang mga sarili at pamilya. Kung minsan ay magtataka ka sa kung paanong napagsasabay-sabay ng mga guro ang kanilang pamilya at pangalawang magulang sa mga bata. Walang ipinagkaiba ang kanilang mga pagtingin sa kanilang nasasakupang mag-aaral at sa kanilang sariling mga anak. Napakaraming sakripisyo ang aking nakita na kanilang mga ginawa. Mula sa paglalaan ng oras, pagiging pangalawang ina at sa oras na medyo di na maayos ang mag-aaral. Sa kanilang pinakamabisang paraan ay inihahayag at ipinaparamdam nila ang kanilang walang hanggang malasakit sa kanilang mga mag-aaral, mula sa kayang abutin ng batang kailangang mag-aral ng matimtiman. Walang kaparis na pagkadakila ang kanilang ibinibigay na atensyon sa mag mag-aaral na ang tingin lamang sa paaralan ay lugar kung saan pinaglilipasan lamang ang kanilang buong araw upang makaiwas sa mundong kanilang ginagalawan.
Isang saludo para sa mga guro kanila ang masasabi na kung minsan ay kailangan pa na pumunta sa bahay ng kanilang mag mag-aaral upang malaman kung bakit ito madalas na lumiliban isang pagmamalasakit na malayong gagawin ng isang taong may malayong koneksyon sa isang bata. Ganoon na lamang ang hinihinging serbisyo ng kanilang propesyon na hindi masusukat na kahit na ano mang materyal na bagay o titulo. Kaya kung babalikan natin ang tanong kung kanino nga ba tayo natuto, makikitang malaki rin ang naging impluwensiya ng mga guro sa ating buhay.
Kaya isang pagsaludo! Guro, Dakila Ka! Sa lahat ng panahon at sa mata ng Diyos na di nakikita ng ninumang tao ngunit sa Dakilang Lumikha dakila ka!