T.I.T.S.E.R.
Post date: Sep 18, 2013 1:44:43 AM
Ni: Jenny C. Mangawang
Nakakatuwang balikan, na minsan sa ating kamusmusan, tinanong tayo kung ano ang gusto nating ‘maging’ sa ating paglaki. At syempre pa, narito ang listahan ng mga nangungunang kasagutan: doktor, abogado, inhinyero, arkitekto, modelo, lalong-lalo na…..guro. Sa murang edad, gusto nang gayahin si ma’am at sir na magturo. Nakakataba ng puso! Kaya lang, kapag lumalaki at nagkakaisip na, tila limot na rin ng iba ang ganitong pangarap. Madalas kasing sinasabi, “Walang pag-asenso sa pagtuturo. Kung gusto mong yumaman, huwag mong asaming maging guro.” Nakakalungkot man, tila yata may katotohanan ang pahayag na ito. Pero iyong iba, nakakapagpanting talaga ng tainga. Sabihin ba namang, “Magtitser ka na lang. Tutal, mahina ang ulo mo. Hindi mo kakayanin ang ibang kurso.” Talaga namang nakakainsulto ang ganyang mga tao. Hindi nila alam ang totoo, na tayong mga titser, hindi basta-bastang “ma’am” at “sir”. Lahat kasi ng katauhan, pinakyaw na natin. Unang-una na diyan ang pagiging doktor, pastor, pintor, imbestigador, tagapagtanggol, manghahatol at marami pang mga salitang nagtatapos sa ‘or’ at ‘ol’. Sa sobrang dami, pati sariling kalusugan naisasakripisyo na. Ang resulta, absent si mam at sir ngayon dahil hindi na kayang bumangon.
Pero hindi rin naman maitatatwa na may ilang pagkakataon na kahit nagngangalit ang panahon, tayong mga titser ay kailangan pang manatili sa school hanggang hapon at tapusin ang obligasyon. Hindi tayo nagrereklamo, nagsasabi lang ng totoo. Sa katunayan, ayaw nga nating makaagrabyado, lalo na sa ating gobyerno. Kaya nga lagpas na sa walong oras, patuloy pa rin tayong nagtatrabaho kahit wala iyong dagdag sa ating sweldo. Kasi nga, tayo ang nagseserbisyo nang tapat sa tao.Madalas tuloy sa pag-uwi, ginagabi na tayo. Dahil doon, itatanong sa atin kung bakit. Tapos tayo, magkukuwento na. Dinalaw natin ang estudyanteng may sakit. Hinanap natin ang bahay ng batang makulit. Kinausap natin ang mga magulang ng mga mag-aaral na sa klase ay pumupuslit. Hanggang ang kausap natin ay mabagot at mainip at sasabihin nilang, “Taon-taon na lang, ganyan ang istorya ng mga estudyante mo.” Bigla tuloy tayong mag-iisip……. Oo nga naman. Para pala tayong sirang plaka sa kasasabi ng mga bagay na paulit-ulit na nilang naririnig. Pero bakit sa loob natin ay may naramdaman tayong kudlit??
Kasi nga, kahit ipikit natin ang ating mga mata, at piliting takpan ang tenga, nagsusumiksik sa ating isip na may mga estudyante tayong sa murang edad ay pumapasan ng mga pasakit at nagkikimkim ng matinding hinanakit. At sa bawat taon ng ating pagtuturo, hindi mawawala ang mga istoryang makadurog-puso. May mga bata na laging nananakit ng kaklase at gumagawa ng mga bagay na napapanood lang sa sine. Madalas pala sa kanilang bahay, ginagawang punching bag si nanay at kung magkaminsan pati siya ay may latay. Ang iba naman,sa barkada bumabaling sa halip na ituon ang pansin sa mga makabuluhang gawain tulad ng sining. At ang nakakalungkot sa lahat, may mga kabataang nalulong sa droga dahil walang nag-aruga. Upang pangatwiranan ang maling ginawa, sinasabi nilang kulang sila sa pansin at pagkalinga.
Sa kabilang banda, mayroon namang mga estudyanteng tunay na kahanga-hanga. Sila yaong naglalakad hindi pa man sumisikat ang araw at lunok-laway na lang kapag nakaramdam ng gutom at uhaw. Palaging ganito ang kanilang ginagawa subalit hindi sila nagsasawa. Ayaw kasi nilang sayangin ang bawat sandali na maaari silang matuto. Pero para sa ibang tao, ordinaryo na lang ang ganitong kwento. Kaya lang, hindi tayo ordinaryo. Kaya nga binansagan nila tayong “modern hero”. Dahil sinasagip natin ang mga kabataang nabubuhay sa problema at gulo. Binibigyan natin sila nang pag-asa at ipinapakita ang iba pang kulay ng mundo. Ginagawa natin ang ganitong trabaho hindi dahil sa katumbas nitong benipisyo. Kung hindi dahil ayaw nating nakawin ang kinabukasan ng mga kabataan. Gusto nating ibigay sa kanila ang pagkakataon na mangarap at abutin ito sa hinaharap gamit ang kanilang talino, galing, at pagsisikap.
Subalit minsan nakakapagtampo. Bakit kaydaling malimot ang ganitong mga tagpo sa buhay nating mga guro? Karaniwang natatandaan ang mga minsan nating kamalian at laging nakikita yaong mumunti nating kapintasan. Bakit tayo sinusukat sa kakarampot nating pagkukulang? Samantalang ginawa natin ang lahat upang maging ganap na magulang sa mga batang ang hangad ay hindi lamang karunungan kundi pagkalinga at pagmamahal.
Kaya sa nalalapit na pagdiriwang ng natatangi nating araw, kung saan ang lahat ay magpupugay, buong pagmamalaki nating isigaw:
“TITSER ako! Buong pusong TITindig sa SERbisyo, saan mang panig ng mundo.”