DAPAT BA AKONG MAG-ALALA?

Ni: Frenlie G. Paguio

Date posted: August 14, 2020

Kapag tayo ay pagod sa maghapong pagtatrabaho, ninanais nating magpahinga kahit sandali lamang.

Kapag tayo ay may problema, ninanais nating takasan ang ating mga alalahanin sa buhay. Isipin natin kung tayo ay parehong pagod at nag-aalala, ano ang ating gagawin? Atin ba itong tatakasan?

Sa panahong ang ating bansa ay sumasailalim sa isang unos. Sa panahong wala tayong ibang makapitan, binuklat ko ang isang aklat.. Binuksan ko ang pahina at nagsimulang basahin ang nilalaman nito.

Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ng kanyang kaanak na si Juan Bautista, ninais niyang lumayo sa mga tao at mapag-isa. Subalit, ang kanyang pagnanais na iwan ang nakararami ay nabalam dahil sa mga taong maysakit na ngangailangan ng atensyon at pag-aalaga. Ang kanyang pagmamahal at awa sa mga tao ang nangibabaw sa kanyang puso dahil sa kanyang nakita at nasaksihan na pananalig sa kanya. Gumagabi na at malapit na ang hapunan. Alam ni Jesus na ang mga tao ay nagugutom at nangangailangan ng makakain. Ang mga alagad ay nagmungkahi ng madali at agarang solusyon: Pauwiin na ang mga tao. Subalit tumanggi si Jesus na gawin ito. Sa halip, inatasan niyang pakainin ang mga tao. Ang mga alagad ay namangha sapagkat kaunti na lamang ang kanilang pagkain. Hindi na ito sasapat pa sa napakaraming tao.

Sinabi ng mga alagad kay Jesus na mayroon na lamang silang limang tinapay at dalawang isda. Ang pagkaing ito ay kulang pa nga sa mga alagad. Sinabi ni Jesus na dalhin ang pagkain sa kanya. Sinabi ni Jesus sa mga tao na maupo sa damuhan at binasbasan ang pagkain. Hinati-hati niya ang tinapay at pinagputol-putol ang isda. Ipinamahagi ito ng mga alagad sa mga tao. Ang lahat ay nakakain at nabusog. Namangha sila sa ginawa ni Jesus sapagkat naganap ang isang himala kung saan pinakain ni Jesus ang libo-libong tao.

Naisip ko, kahit ang mga alagad ay nag-alala noong panahong iyon na kasama pa ang ating Panginoon. Paano pa kaya tayong mga tao na nananalig sa kanya kahit hindi natin siya nakikita at nakasama?

Sa panahong ito ng pandemya, maraming tao ang nawalan ng trabaho. Maraming pamilya ang nagugutom. Inaasahan natin na ang kahirapan ang lalong magpapalala sa sitwasyon lalo na sa ating bansa na malaking porsiyento ay kabilang sa antas ng mahihirap. Marami na sa ating mga kababayan ang nagpapalimos sa mga lansangan at nanghihingi ng awa. Higit pa rito, inaasahan din natin na dadami ang mga suliraning nakakaapekto sa ating kaisipan dahil sa pag-aalala at pagkabalisa. Ang patong-patong na problemang ito – pang-ekonomiya at pangsikolohikal – ay tiyak na makakaapekto sa buhay nating lahat.

Ano ang ating magagawa? Makatutulong ba ang ating pag-aalala?

Muli, aking binalikan ang aking nabasa sa aklat. Muli kong sinariwa ang ginawa ni Jesus. Sa kabila ng kanyang pag-aalala at pagdadalamhati sa pagkamatay ni Juan, hindi siya pinanghinaan ng loob at hindi siya tumigil. Gusto niyang mapag-isa subalit nakita niya ang napakaraming tao na sumusunod sa kanya dala ang kanilang kamag-anak na maysakit. Hindi nagpatalo si Jesus sa kanyang alalahanin at pagkabalisa sa halip tumayo siya at tumulong sa mga tao. Ang kanyang kababaang-loob, habag at awa ang nagpalakas sa kanya upang magpatuloy at tumulong sa kapwa.

Marami sa atin na may ama, ina, kapatid, asawa at kamag-anak na frontliners. Tayo mismo ay nag-aalala para sa kanila. Kung maaari lamang na pigilin silang tuparin ang kanilang tungkulin para sa kanilang kaligtasan, marahil ginawa na natin. Marahil sila rin, natatakot para sa kanilang mga sarili. Marahil kung maaari lamang manatili na lamang sa kanilang mga tahanan kasama ang kanilang mga pamilya ay ginawa na nila. Marami na sa kanila ang tinatamaan ng sakit. Marami na sa kanila ang inialay ang sariling buhay para sa kaligtasan ng iba. Marami na sa kanila ang napapagod sa maghapong pagtatrabaho sa mga ospital. Subalit patuloy parin silang lumalaban at nagpapatuloy. Sa kabila ng katotohanang nasa bingit ng kamatayan ang kanilang mga buhay ay patuloy nilang iwinawaksi sa kanilang mga isipan na maaaring dumating ang oras na hindi na nila makikita ang kanilang mga pamilya. Napagtatagumpayan nila ang mga ganitong isipin dahil sa isang bagay – dahil sa kanilang sinumpaang tungkulin at tulad ni Jesus, dahil sa awa at habag sa mga maysakit.

Ang pag-aalala ay natural na madama ng bawat isa sa atin lalo na sa panahong ito ng pandemya kung saan natatakot tayong magkasakit sapagkat wala pang bakuna na gamot dito. Natatakot tayo para sa ating kaligtasan at sa kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay. Ang takot at pag-aalala ay napatunayan ng nakatulong sa sangkatauhan upang tayo ay manatili dahil ito ang pumoprotekta sa atin sa mga pagbabagong nagaganap sa daigdig. Ang takot ang nagsisilbing pananggalang natin upang protektahan ang ating mga sarili at ang iba. Subalit ang takot ding ito ang maaring magdulot sa atin upang mawalan ng pag-asang magpatuloy sa buhay. Kung ang pag-aalala ay magiging isang negatibong pananaw, ito ay hindi magbibigay sa ating isipan ng kapanatagan.

Patuloy tayong pinapayuhan ng mga sikolohista na huwag tuluyang magapi ng takot at pag-aalala sapagkat magpapalala lamang ito ng suliraning ating kinakaharap. Sa halip, ituon natin ang ating oras at enerhiya upang patuloy na kumonekta at tumulong sa iba. Hindi ito pagtakas kungdi isang produktibong pamamaraan upang ibahagi ang ating sarili sa pagbibigay ng serbisyo sa kapwa. Hindi natin kailangang sarilinin ang problemang ating kinakaharap bagkus kailangan nating ibukas ang ating komunikasyon sa ibang tao at maunawaang pinagdadaanan din nila ito. Pakinggan natin ang bawat isa at magtulungan tayong malampasan ito dahil sa huli, tulad ng ginawa ni Jesus, malalampasan natin ang lahat ng ito sa tulong ng Poong-Maykapal.