Lutasin: Hidwaan sa Tanggapan
Post date: Mar 17, 2014 8:38:54 AM
by: Shineth Lalaine L. Silva
Ayon sa pag-aaral ng ilang eksperto, ang pangkaraniwang edad ng isang manggagawang Pilipino noong taong 2013 ay 23 taong gulang-- isa sa mga pinaka-batang edad sa Asya (rappler.com).
Kung ating susuriing mabuti ito’y nangangahulugan na marami sa mga empleyado ay fresh graduates o may mababa o wala pang karanasan sa trabaho. Dahil sa batang edad na ito, marami ang naninibago at nangangapa sa bagong yugto ng kanilang buhay. Iba’t-ibang karanasan ang kanilang pinagdadaanan at isa na dito ay ang pagtatalo sa trabaho o conflict in the workplace. Ano nga ba ito?
Ayon sa diksyunaryo, ang pagtatalo ay isang matinding hindi pagkakasundo ng interes o kaalaman (Webster).
Dahil ang trabaho ay isang gawain na nangangailangan ng patuloy na pakikisalamuha sa kapwa, marami ang naniniwala na ang pagtatalo ay hindi maiiwasan. Ilan sa mga karaniwang dahilan nito ay ang stress sanhi ng mahabang oras ng pagtatrabaho, hindi pagsang-ayon sa pamunuan ng isang kumpanya, at marami pang iba.
Narito ang mga sumusunod na pangkaraniwang dahilan ng pagtatalo sa trabaho:
1. Hindi mabisang komunikasyon ng mga empleyado at pamunuan;
2. Magkakaibang paniniwala;
3. Magkakaibang interes;
4. Kakulangan sa kagamitan o budget;
5. Magkakaibang personalidad na pinagmumulan ng hindi pagkakasundo; at
6. Mababang kalidad ng trabaho;
Mahalaga na ang pagtatalo sa trabaho ay ma-resolba sapagkat ito ay maaring magdulot ng patuloy na stress, mababang kalidad ng trabaho, at tuluyang pag-alis ng mga empleyado.
Hindi naiiba ang ganitong sitwasyon sa DepEd, maraming hidwaan ang nangyayari sa iba’t-ibang departamento dahil sa hindi pagkakaunawaan ng mga kawani. Sa isang naganap na team building noon sa DepEd Balanga City, isa sa mga nagging paksa ay kung paano maiiwasan at maso-solusyunan ang problemang ito.
Marami na ang mga naimungkahi upang solusyunan ang isyu na ito. Ilan dito ay ang mga sumusunod:
1. Pag-iwas – pagsasawalang-kibo sa pag-asang kusang mawawala ang pagtatalo
2. Pagsang-ayon – pagtanggap sa ideya ng iba at pagsantabi sa sariling opinyon
3. Pakikipaglaban – pagpwersa sa iba na tanggapin ang opinion
4. Kooperasyon – pakikipagtulungan sa iba upang magtapos sa isang mas mabisang solusyon
5. Kompromiso – tinatawag ding give and take na pagresolba sa pagtatalo
Sa panahon kung saan lahat ng bagay ay nangyayari nang mabilis, mahalaga na lahat ng aspeto sa trabaho mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki ay pagtuunan ng pansin. Kasama na dito ang pagresolba sa mga hindi pagkakasundo sapagkat madalas na ang mga simpleng bagay na ito ang nagiging basehan sa tagumpay ng isang workplace—ang panatilihing masaya ang bawat miyembro nito. Higit na magiging produktibo kung lahat ay nagkakasundo.