HAMON NG BUHAY
Post date: Feb 18, 2016 7:46:03 AM
Ni: Evelyn G. Contreras
T-I COBNHS
Mahirap maging mahirap, isang katotohanang hindi maitatanggi. Paano ka nga ba mabubuhay kung salat ka sa lahat ng bagay?Paano mo haharapin ang bawat araw kung wala kang pera, hindi makakain ng sapat, walang maayos na tulugan, at hindi matugunan ang mga pangangailangan? Nanaisin mo pa bang mabuhay kung puro hirap ang dadanasin mo? Ang tanong, paano ka makakawala sa kahirapan?
Marami ang nagsasabi na ang tanging sagot upang makawala ka sa kahirapan ay ang edukasyon. Kailangan daw mag aral ng mabuti upang maabot mo ang iyong mga pangarap at magkaroon ng magandang kinabukasan. Kapag nakatapos ka na ng pag-aaral at makapagtrabaho, makakaahon ka na sa kahirapan.
Ang tanong, makakatapos ka ba ng pag- aaral kung mahirap ka lang? Ilang porsyento nga ba nang mahirap ang nakakatapos ng pag-aaral? Gaano kaya karami ang mahirap na ngayon ay may maganda ng buhay dahil nakatapos sila ng pag-aaral?
Sa ilang taon ko ng pagtuturo, ang dami ko ng naging estudyante na hindi nakatapos ng pag-aaral, at ang kanilang dahilan… Kahirapan daw. Ang dami ko ng bata na pinuntahan sa bahay upang alamin kung bakit madalas ang pagliban sa klase, ang dahilan….. walang pambaon, walang pamasahe, walang makain… Kahirapan.
Minsan may isang bata na nagtanong sa akin “ Ma’am nung nag-aaral po ba kayo hindi kayo nagsawa at napagod na mag-aral?” Sabi ko, “hindi naman”. Sabi nya “Ah, siguro po mayaman po kayo”, ako po kasi napapagod na. Dahil sa sinabi nya naikwento ko ang aking pinagdaanan noong ako’y nag-aaral pa lang.
Ang sabi ko, “ Tunay na mahirap mag-aral kung mahirap ka lang, walang pera, sira ang bag, maigsi ang lapis, walang pambura,nanghihiram ng pangkulay, kinakapalan ang mukha sa panghihingi ng papel dahil walang papel, nililiitan ang sulat upang hindi agad maubos ang pahina ng notebook,nagkukunwaring nagbabasa at busog kapag recess dahil walang baon, walang kuryente habang gumagawa ng takdang aralin, paulit –ulit na humihinto habang naglalakad sa pagpasok sa eskwelahan dahil inaayos ang sirang tsinelas , at minsan kumakalam ang sikmura dahil kape lang ang inalmusal at kareba o toyo’t mantika ang ulam sa tanghalian. Pero kahit minsan hindi ako nakaisip na maghinto sa pag-aaral. Kasi sabi ko sa aking sarili, hindi na dapat danasin ng mga anak ko ang dinanas ko”…………………..Natuwa naman ako dahil sa kwento ko naging inspirasyon ng mga mag-aaral ang sarili kong karanasan.
Mahirap maging mahirap, pero hindi dapat yon maging dahilan upang sumuko sa HAMON NG BUHAY. Hindi hadlang ang kahirapan upang makatapos ng pag-aaral. Nalulungkot ako kapag kahirapan ang ginagawang dahilan ng mga estudyante at maging ng ibang magulang sa pagliban at pagtigil ng mga bata sa kanilang pag-aaral. Kahit mahirap, kailangan kayanin. Sipag, tiyaga at pagtitiis, pamilyang gumagabay at syempre pananalig sa DIYOS ang kailangan.
Tunay na ang EDUKASYON ang sagot upang makaahon tayo sa hirap at kahit kailan HINDI HADLANG ANG KAHIRAPAN upang maging matagumpay at makaalis tayo sa mahirap na estado ng buhay.