“Ang Kahalagahan ng Malinis na Kapaligiran”
Post date: Jan 23, 2015 2:46:29 AM
Ni: Maria Rajima DC. Custodio
Sa tuwing umaga na nakikinig tayo ng balita sa radio o telebisyon, madalas natin marinig ang mga ulat ukol sa kalusugan o mga proyektong nauukol sa malinis na kapaligiran. Madalas din tayong nakaririnig ng mga paalala kung paano natin mapananatili ang malinis na kapaligiran.
Ano nga ba ang kahalagahan ng malinis na kapaligiran? Bakit nananawagan palagi ang ating gobyerno sa ating pakikipagtulungan na mapanatili ang malinis na kapaligiran?
Ang malinis na kapaligiran ay nagdudulot ng malusog na pangangatawan. Naiiwasan ang pagkakaroon ng iba’t ibang sakit tulad ng dengue, cholera, sakit sa balat, at pagtatae. Naiiwasan din ang pagdami ng mga hayop o insekto na nagdadala ng mga sakit na nabanggit. Nagdudulot din ito ng maaliwalas na pakiramdam. Sa pagkakaroon ng malinis na paligid, nagiging magaan ang ating pag-iisip.
Maraming mamamayan ang hindi nakauunawa sa kahalagahan nito kaya’t binabalewala ang panawagan ng gobyerno ukol dito. Maaring maluwag pa rin ang gobyerno sa pagpapasunod ng batas sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran.
Sa mauunlad na bansang gaya ng Japan, mahigpit ang pagpapatupad ng batas sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran. Sa pagtatapon ng mga basura, kinakailangang hiwa-hiwalay ito ayon sa itinakdang panuntunan at dapat na itapon sa mga araw na itinakda lamang. Bawat mamamayan, kahit dayuhan man, ay kailangang sumunod dito. Ang hindi susunod, partikular sa wastong pagtatapon ng basura, ay maaaring patawan ng kaukulang parusa. Ang mga sasakyan ay dapat na hindi nagdudulot ng sobrang polusyon sa hangin at kung ito ay mausok, kinakailangang agad na ipagawa o palitan.
Kung ang disiplinang umiiral sa Pilipinas ay tulad ng disiplina ng mauunlad na bansa, madali nating makakamit ang tagumpay ng programang nagpapanatili ng maayos na kapaligiran. Kailangan lamang ay ang pakikipagtulungan ng bawat isa at pagsunod sa mga alintuntuning ipinagagawa ng ating pamahalaan.
Hindi pa huli ang lahat…kaya kilos na!