PROBLEMA

Ni: Evelyn G. Contreras T-III

City of Balanga National High School

Date posted: Feb. 26, 2019 | 11:33 AM

“Ang sarap maging bata”, mga katagang marahil karamihan sa atin laging naiisip ngayong tayo ay hindi na bata. Mabuti pa daw ang bata, walang masyadong iniintind sa buhay. Paggising sa umaga maglalaro at masayang matatapos ang buong araw. Umulan man o umaraw, maglalaro sila. Hindi namoproblema sa kakainin, sa mga bayarin at kalungkutan ng buhay. Kuntento sila sa kung ano ang mayroon sila.

Habang tumatanda daw ang tao padagdag ng padagdag ang ating iniintindi sa buhay.Marami na rin tayong hinahanap at hinahangad sa buhay na nagiging dahilan upang hindi tayo maging masaya. Dumadami ang hinaharap nating kalungkutan at problema. Mga problema na parang walang katapusan, minsan nararamdaman mo na lang na gusto mo ng sumuko. Minsan may mga nawawalan ng pag-asa, at ang nakakalungkot minsan may winawakasan ang buhay nila dahil hindi na makayang dalhin ang suliranin na kinakaharap nila.

Ang problema parang ulan pag dumating sa buhay ng isang tao, tuloy-tuloy ang buhos. Bawat araw may kanya-kanya tayong unos na hinaharap sa buhay. Mayroon may sakit, may kulang sa budget, may iniwan ng asawa, nawalan ng trabaho, may pasaway na anak, may namatayan, may nakaaway, may bumagsak ang grado sa eskwela, may hindi kuntento sa kung anong meron siya at marami pang iba. At ang malupit pag sunod-sunod ang dating ng problema, yung tipong parang sinalo mo na ang lahat.

Marami man ang ating problema, gaano man yan kalaki, kailangan natin manalig na may Diyos na palaging nandiyan upang samahan tayong masolusyunan ang ating mga problema. Ang kailangan lang palagi tayong maniwala na ang bawat problema ay pagsubok lang at kaya nating lampasan sa tulong ng Poong maykapal.

Sabi nga ang Diyos ay may tatlong sagot sa ating mga dalangin, OO, kung ito ay makabubuti at ito ay para sayo, MAGHINTAY, kung ito ay ibibigay nya sa tamang panahon kung kailan ito ay makakabuti na para sayo at HINDI, kung ito ay hindi makakabuti para sa iyo at mayroon siyang ibibigay ng mas higit pa sa dinadalangin mo. Lagi nating iisipin na kung mayroon tayong malaking PROBLEMA, mayroon din tayong malaking DIYOS.

Ang bawat dasal natin ay palagi nyang tinutugon sa paraan na alam nyang makabubuti sa atin, kaya naman huwag tayong mawalan ng pag-asa at lagi nating iisipin na ang Diyos ay mabuti at hindi nya tayo iiwanan sa pagharap sa pagsubok natin sa buhay.