ANG HIGANTE SA LOOB NG ATING SARILI

Ni: Frenlie G. Paguio

Date posted: August 14, 2020

Ikaw ang pinakamahalagang tao sa mundo. Huminto ka at mag-isip. Sa buong kasaysayan ng mundo, walang sino man ang katulad mo at walang magiging katulad mo magpasawalang hanggan ng panahon.

Ikaw ay produksyon ng iyong salinlahi, kapaligiran, pisikal na katawan, gising at natutulog na kamalayan, karanasan at direksyon. Kabilang na dito ang mga tagong kaalaman at kakayahan ng tao.

May kapangyarihan kang makaapekto, makagamit at makapagkontrol ng mga bagay sa iyong paligid at kaya mong ituon ang iyong kaisipan upang ang lahat ng ito ang magtakda ng iyong kinabukasan. Dahil ikaw ay binubuo ng katawang may kaisipan. Ang ating kaisipan ay binubuo ng dalawa at tagong kapangyarihan: ang konsyus (conscious) at sabkonsyus (subconscious). Ang isa ay higanteng hindi kailanman natutulog. Tinatawag itong sabkonsyus na kamalayan. Ang pangalawang higante naman, kapag natulog ay walang kapangyarihan. Ngunit kapag gising, ang kanyang potensyal na kapangyarihan ay walang katapusan. Ang higanteng ito ay tinatawag na konsyus na kamalayan. Kapag nagkasundo ang dalawang higanteng ito, kaya nilang makaapekto, makagamit at makapagkontrol ng mga bagay sa mundo.

Madalas nating nababasa ang kwento ni Alladin at ang kanyang mahiwagang lampara na may lamang “genie”. Tinupad ng “genie” ang lahat ng kahilingan ni Alladin. Subalit kapag nagising mo ang mga higante sa iyong sarili, ito ay mas makapangyarihan pa sa lahat ng “genie” ng mahiwagang lampara! Ang “genie” ay kathang-isip lamang. Ang iyong mga natutulog na higante ay totoo.

Ano ang gusto mong mapasa iyo? Pag-ibig? Malusog na pangangatawan? Tagumpay? Kaibigan? Kayamanan? Bahay? Kotse? Panatag na isip? Katanyagan? Katapangan? Kasiyahan? O gusto mong ang mundo ay maging isang kaaya-ayang tahanan? Ang natutulog na higante sa loob ng iyong sarili ay may kapangyarihan na maging katotohanan ang iyong mga kahilingan. Ngunit paano mo sila gigisingin?

Mag-isip ka. Mag-isip ka ng may kasamang positibong mental na kaugalian. Ang mga higante, tulad ng “genie”, ay kailangang gamitan mo ng mahika. Ang mahika ay ang iyong talisman na may simbolo ng negatibo at positibong mental na kaisipan. Ang mga katangian ng positibong mental ay ang pananalig, pag-asa, katapatan at pagmamahal.

Ikaw ang piloto sa iyong paglalakbay sa buhay. Dahil ikaw ay may patutunguhan. Hindi ka tuod lamang sa isang tabi. Ikaw ay maglalakbay sa mga nangangalit na alon at malalim na karagatan. Kung gusto mong matapos at maging matagumpay ang iyong paglalakbay, kailangan mo ng mga kakayahan ng isang mahusay na manlalayag.

Ang kompas ng isang barko ay naapektuhan ng maraming bagay na may kinalaman sa karagatan kung kaya’t kinakailangan na ang piloto ay marunong gumawa ng mga pataan upang ang barko ay manatili sa kanyang tamang landas. Gayundin sa buhay. Nararapat na alam mo ang mga paraan kung paano ka maglalakbay at kung paano mo tatahakin ang pinili mong landas. Ang isang kompas ay nagbibigay ng eksakto at tamang direksyon sa kabila ng mga pagbabago. Ito ay maihahalintulad sa buhay kung saan ang mga pagbabago ay ang impluwensyang pangkapaligiran. Maaring magdulot sa iyo ito ng negatibong pananaw na makakaapekto sa iyong mga desisyon sa buhay.

Kung minsan, ikaw ay makakaranas ng mga kabiguan at kahirapan. Ito ang mga natatagong bato sa ilalim ng karagatan na maari mong madaanan. Dito masusukat ang kapasidad ng iyong kompas. Dahil kung alam mo kung nasaan ang mga korales at kung aling bahagi ng dagat ang maalon, maari mo itong paghandaan. Kapag nasa tama ang iyong kompas, siguradong makakarating ka sa iyong pupuntahan ng walang anumang aberya. Subalit ang kabuuan ng iyong paglalakbay ay nakasalalay parin sa pagiging alisto ng manlalayag. Ang kompas at ang piloto ay kailangang maging isa sa isang pinakamataas na layunin. Ang pinakamataas na layunin ng isang tao ay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Kayat dapat tayong mag-ingat sa paggising sa mga higante sa loob ng ating sarili sapagkat may kapangyarihan itong bumuo o sumira sa ating kinabukasan at pagkatao.