“Kabataan, May Kalidad na Edukasyon ang Kailangan”
Post date: Mar 28, 2014 1:03:20 AM
Ni Jose D. Dasig Jr.
"Edukasyon ang ating puhunan tungo sa magandang kinabukasan", ayon sa ating mga magulang. Sabi naman ng mga nakatatanda, ito daw ay isang natatanging kayamanan na hindi maaaring makuha ninuman at patuloy nating pakikinabangan habang tayo ay nabubuhay.
Ang edukasyon ay pinaniniwalaang pinakamahalagang bagay na dapat ay mayroon tayo dito sa mundo. Kaya habang tayo ay bata pa, kailangan natin itong pagtuunan ng pansin at bigyan ng pagpapahalaga. At ang ating gobyerno at lokal na pamahalaan naman ay ganoon na lamang din ang pagpapakita ng suporta at pagmamalasakit sa mga kabataan upang makamit ang may kalidad na edukasyon. Ito ay patuloy na nagsasagawa at nagpapatupad ng iba’t-ibang programang pang-edukasyon. Sa kasalukuyan, ang programang K to 12 ay isa lamang sa kanilang pangunahing instrumento upang ang kalidad ng edukasyon ay lalo pang maiangat at maiangkop sa mabilis na pagbabago ng panahon. Nang sa gayon ang ating mga nagsipagtapos ay kayang-kayang makipagpunyagi sa mga nagsipagtapos sa iba't-ibang panig ng daigdig at patuloy na makapagmalaki sa buong mundo.
Ang lahat ng ito ay nangangahulugan na ang pagkakaroon ng mataas na uri ng edukasyon ay tunay na napakahalaga sa bawat isa sa atin. Sa pagtatamo natin ng mabuting edukasyon, magkakaroon tayo ng mas magandang trabaho, isang matiwasay na pamumuhay at matatag na kinabukasan. Kaya dapat pagsikapan at pagbutihin ang pag-aaral. Huwag sayangin ang panahon ng kabataan at kalakasan.
Kabataan, lagi ninyong tatandaan “Edukasyon ang ating panlaban sa kahirapan” at kayo ang pag-asa tungo sa pag-unlad ng bayan.