Paggapi ng Guro sa Stress
Post date: Sep 5, 2013 1:10:48 AM
ni: Adelaida Q. Valenzuela
“Ang stress ay nagdudulot sa katawan ng tao ng pananakit ng ulo, tiyan at dibdib kabilang ang pagtaas ng blood pressure at pagkakaroon ng sleep disorder o ang tinatawag nating insomnia. Kaugnay rin nito ang masamang epekto sa mental na kalusugan ng isang tao na kung saan nagdudulot ng mental na suliranin gaya ng pagkabalisa, kalungkutan, problema sa pagkain at pang-aabuso sa substansiya,” batay sa pangkalusugang pananaliksik.
Ayon sa World Health Organization (WHO), 60-90 porsyento ng mga sakit ay may kinalaman sa pagkahapo o stress na nakasasama sa cardiovascular system at sa immune system gaya ng chronic pain, matinding pananakit ng ulo, ulcer, pangangasim ng sikmura, sakit sa puso, diabetes, hika, obesity, pagkabaog, autoimmune diseases, irritable bowel syndrome, at problema sa balat.
Dagdag pa rito, may epekto rin ang stress sa pag-uugali ng isang tao, gaya ng pagiging palautos at palapintas, sobrang paggamit ng alkohol at tabako, pagkain ng marami at ang pagkawalang kakayahang makapagtrabaho nang mahusay. Kabilang din dito ang mga damdaming emosyonal na kung saan ang ilang palatandaan sa mga ito ay pagkabahala, pagiging nerbiyoso, pag-iyak, pagiging matatakutin, pagkainip, kawalan ng pag-asa at kalungkutan. Dahil dito, kapag hindi malusog ang pangangatawan ng isang tao, maaari itong magdulot ng malalang sakit na maaari niyang ikagupo.
Dahil sa hindi kaaya-ayang mga pangyayari sa ating kapaligiran dulot ng paglaganap ng krimen, kahirapan, kalamidad at iba pang suliranin, maraming tao sa ngayon ang nakakaranas ng stress, kasama na riyan ang mga guro.
Hindi maiiwasang makaranas ng pagka-stress ang isang guro dahil sa pampamilya at pampagtuturong pananagutan na nakaatang sa kanyang mga balikat.
Sa pagtuturo, kaalinsabay ng kanyang gawaing propesyunal ay ang paggabay sa kanyang mga mag-aaral upang maihanda sila sa pagharap sa mga tunay na hamon ng buhay para magkaroon sila ng magandang bukas. Tinatapos din niya ang patung-patong na reports na dapat niyang maipasa bago sumapit ang deadlines.
Sa kanyang pamilya, may mga gawaing-bahay na dapat niyang tapusin tulad ng pagluluto, paglilinis at paglalaba sa pag-uwi niya mula sa maghapong pagtuturo. Dagdag pa rito ang pagsubaybay sa mga anak sa paggawa ng kanilang takdang-aralin.
Ang lahat ng ito ay nagdudulot ng pagkahapo o stress sa guro na nagbubunga ng negatibong epekto sa kanyang pisikal, emosyonal at mental na kalagayan. Dahil dito, kailangang may malakas siyang pangangatawan at matalik na pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Karagdagan pa sa mga paraan upang makontrol, maiwasan at masugpo ng guro ang stresss ay ang pag-ugnay sa sarili sa mga gawaing pisikal gaya ng regular na pag-eehersisyo upang mapanatili ang maayos na daloy ng dugo sa katawan. Kumain ng masusustansiyang pagkain gaya ng prutas at gulay sa tamang oras. Kailangan din niya ng hustong oras ng tulog.
Dapat ding maglaan ng panahon sa sarili ang guro upang makapaglibang-libang gaya ng pagpunta sa mga kaaya-ayang lugar-pasyalan upang maiayos ang konsentrasyon na magdudulot ng positibo at kalmadong pag-iisip.
Dagdag pa rito, dapat siyang magkaroon ng libangan na siyang makapagpapasaya sa kalooban. Ayon sa ilang pag-aaral ng mga psychologists, ang libangan ay isang uri ng pahinga mula sa nakakahapong realidad ng buhay. Binibigyan nito ang isang indibidwal ng pagkakataon na palawakin ang kanyang kaalaman at madiskubre ang kanyang kakayahan sa iba pang larangan.
Nakatutulong din sa pansamantalang paglimot sa mga problema ang pagsali sa mga gawaing pampalakasan at paggawa ng iba pang gawain na hindi nakasanayang gawin sa araw-araw na isa sa mga nagiging dahilan ng pagkabagot. Dagdag pa ang pagsasanay sa sariling ngumiti lalo na habang nagtuturo upang maiwasan ang impresyon ng pagkaaburido sa mga gawain, makihalubilo sa mga masayahing kaibigan na may positibong pananaw sa buhay at higit sa lahat, matutong pangasiwaan ang oras o magkaroon ng time management upang maiwasan ang pagmamadali tuwing may apurahang gawain.
Sa kabuuan, maraming iba’t-ibang paraan upang maiwasan ng guro ang stress na nagdudulot ng hindi pagiging produktibo. Nakasalalay ito sa kanyang panuntunan sa buhay kung paano niya mapapangalagaan ang kaniyang kalusugan upang higit na maisaayos ang kinang at pagmamahal sa sarili, pamilya at trabaho. Dapat niyang matutuhang ibalanse ang lahat ng gawain at maging matatag sa bawat pagsubok ng buhay.
Sanggunian:
World Health Organization (WHO)