Alternative Learning System (ALS): Tungo sa Katuparan ng Mumunting mga Pangarap
Post date: Sep 28, 2010 7:54:22 AM
Written by Mr. Ernesto T. Robles Jr. - District II, ALS Coordinator
Friday, 29 May 2009
Isa sa pangunahing karapatan ng mamayan ng Pilipinas ang makatapos ng pag-aaral sa elementarya at sekondarya. Subalit sa maraming kadahilanan marami sa mga mamayan natin ang hindi nakakatapos ng pag-aaral na siyang nagiging dahilan upang hindi nila mapaunlad ang kanilang pamumuhay. Itinuturing na ang kahirapan ang siyang pangunahing dahilan kung bakit marami ang hindi nakakatamasa ng kanilang karapatan sa pagkakaroon ng wastong edukasyon. Mayroon namang ilan na may kakanyahang matustusan ang kanilang pag-aaral ang hindi nakakatapos ng elementarya at sekondarya dala ng impluwensya ng masamang barkada o ng masamang bisyo.
Mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na edukasyon. Ito ang sumusukat sa kakanyahan na magampanan ang anumang tungkulin na maaring iatang sa ating balikat. Ito rin ang magsisilbing haligi ng ating kinabukasan. Sa panahon ngayon, paano ka makakahanap ng isang maganda at maginhawang trabaho kung hindi ka nakatapos ng iyong pag-aaral.
Bilang tugon sa suliraning ito at mabigyan ng pagkakataon na maipagpatuloy kanilang mga pangarap na makatapos ng pag-aaral sa elementarya at sekondarya, ang Alternative Learning System ng Department of Education ay mayroong programa na tinatawag na Accreditation and Equivalency (A&E) Program na kung saan ang mga may edad 11 pataas na hindi nakatapos ng elementarya at 15 pataas naman na hindi nakatapos ng sekondarya ay maaring makapag-aral ng libre at makakuha ng pagsusulit na tinatawag na Accreditation and Equivalency (A&E) Test.
Ang pagsusulit na Accreditation and Equivalency Test ay ibinibigay taon-taon sa buwan ng Oktubre. Ang isang hindi nakatapos ng elementarya at kumuha ng A&E Test at kanya niya itong naipasa , siya ay magiging isang ganap ng tapos ng elementarya at maari na siyang tumungo sa susunod na antas, ang sekondarya, maari rin naman siyang manatili sa ALS at kumuha uli ng A&E Test na pang sekondarya kung siya ay nasa edad ng 15 pataas. Para sa sekondarya naman, kapag naipasa ito, siya ay magiging isang ganap na ring tapos ng sekondarya at maari na rin siyang tumungo sa susunod na antas, ang kolehiyo.
Kung ating ikukumpara ang pribilihiyong natatanggap ng nakatapos ng pag-aaral sa regular na klase at ang nakapasa ng pagsusulit na A&E ng ALS ay pareho lamang. Kung ang isang nakatapos ng isang regular na klase ay nakatatanggap na katibayan ng pagtatapos (diploma), naipapagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo at nagagamit ang diploma upang maregular sa trabahong pinapasukan gayundin naman ang sa nakapasa sa A&E Test ng ALS.
Marami nang kabataan at nakatatanda sa Siyudad ng Balanga ang natulungan ng Alternative Learning System na makatapos ng pag-aaral sa sekondarya at makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo. Nakatutuwa at nakakataba ng puso na marami na ang nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo at nagkaroon ng marangal at maginhawang trabaho at mapagkakakitaan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang Alternative Learning System ng Department of Education ng Balanga City sa pagtulong sa mga kabataan at nakatatanda na maipagpatuloy ang kanilang mga mumunting pangarap sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng pag-aaral.