Call Center Agent
Post date: Aug 29, 2017 8:38:30 AM
By: Michelle Marie L. Silva
Noong bata pa ako, madalas kong isagot ang “nars” kapag tinatanong ako kung anong gusto ko maging sa paglaki. Natapos ko ang elementarya, hayskul at nakarating ng kolehiyo. Kumuha ng kursong “nursing” dahil iyon ang akala kong gusto pati ng magulang ko. Ngunit pagkatapos ng dalawang taon, kinausap ko si Nanay at Tatay at sinabing hindi ako masaya at hindi para sa akin ang kursong ito. Pumayag silang lumipat ako sa kursong Psychology.
Nakatapos ako ng kolehiyo at nakahanap ng trabaho ngunit malayo sa aking pinagtapusang kurso. Pinalad naman akong makahanap agad ng trabaho. Ito yung panahong “patok” yung mga BPO companies. Sinabi nila na kaunting panahon pa at malaki ang magiging sakop at ambag ng industriyang ito sa bansa. Maayos naman ang trabaho, mahirap lang minsan lalo na at hindi Philippine holidays ang sinusunod naming dahil U.S. company kami. Apat na taon pagkatapos kong magsimulang magtrabaho, sinubukan kong maging call center agent. Tawag na kasi ng pangangailangan.
Dati minamaliit ko ang trabahong ito. Akala ko madali ang buhay dito, ayon na rin sa mga naririnig ko. Isa ako sa mga nagsabi na “call center agent lang?” Hindi mataas ang tingin ko sa propesyon na ito. Lahat ng mga inisip at sinabi ko nabago lahat simula nong maranasan kong umupo at sumagot ng tawag.
Hindi madali ang pagiging call center. Iba-iba ang oras ng pasok at kaakibat nito ang mapanganib na byahe sa gabi papunta sa opisina. Madalas nang malathala sa balita ang mga taong nahoholdap,nagagahasa, masnatch-an at ang masama pa ay napapatay minsan dahil lang sa panganib habang nasa labas sila sa dis-oras ng gabi.
Hindi madali ang pagiging call center. Hindi mo hawak ang oras mo dahil sa paiba-ibang schedule. Gagawin mong umaga ang gabi at gagawing gabi ang umaga. Hindi mo magawang makapiling ang pamilya mo nang madalas at magkaroon ng sapat na oras para sa sarili at personal na pangangailangan. Madalas din prone sa sakit, dahil sa paiba-ibang schedule, naiiba din ang kundisyon ng katawan mo.
Hindi madali ang pagiging call center. Dayuhan ang mga kausap mo at kailangan mo silang pakitunguhan nang mabuti dahil sila ang tumatangkilik ng inyong produkto. May ilan sa kanila na hindi maayos o makatao ang turing sa iyo ngunit kailangan mong magtimpi at tanggapin lahat ng masasakit na salita na sasabihin nila. Shock absorber, ‘ika nga. Ikaw pa ang hihingi ng paumanhin dahil sa abala na nangyari sa kanila. Parte lang iyon ng trabaho bilang Call Center Agent. Mahirap, pero makakasanayan mo na rin sa paglipas ng panahon.
Iyana ng buhay ng Call Center Agent: Marangal na propesyon, kailangan nga lang ng tibay ng loob at mahabang pasensya. Ngayon ko napatunayan, kung gusto mo walang imposible kahit ano pa ang iyong tinapos basta marangal ang hanapbuhay!