“Isla”

“Isla”

ni Emily D.Madarang, Teacher II - T. Camacho Sr. Elementary School

Date posted: Mar. 11, 2019 | 9:54 PM

Guro, dakilang ina at pangalawang ina sa paaralan. Handang magsakripisyo,maglaan ng oras at panahon para sa kanyang minamahal. Masigasig maghatid ng kaalaman, magturo at humubog sa mga mag-aaral.

Subalit, alam ba natin ang mga pinagdadaanan ng isang guro upang marating ang tagumpay na kanyang minimithi?Lungkot, saya, pangungulila at halo-halong emosyon,bago masabing isa ka ng ganap na guro at masasabing taga sa panahon.

Kung pag-uusapan ang mga karanasan ng guro,tulad ng mga gurong nagtuturo sa malayong lugar,lalo sa naka-assign sa gitna ng Isla.

Umaga palang ay nasa tabing- dagat na, naghihintay ng bangkang sasakyan niya.Masuwerte kung alon ay kalmado pa,sa laot lahat ng dasal masasambit mo na, sa loob ng tatlumpung minuto ay magmumuni- muni ka, hanggang sa bahay na magsisilbing tahanan ay marating na.Bitbit ang isang linggong pagkain at pag-asa para sa labing-dalawang mag-aaral na naghihintay sa kanya.

Isla na napaliligiran ng tubig na kapag bumabagyo, ay kalahating oras na lakarin sa bundok ang naghihintay sa iyo,upang makauwi sa pamilyang minamahal mo.

Isla na may apat na silid-aralan, apat na guro at walang punongguro.Mula Lunes hanggang Biyernes, magsisimula ang gawain sa umaga, ligo sa bukal sa gitna ng bukid hanggang sa pag-aayos patungo sa paaralan,sa gabi, banghay-aralin naman ang inaasikaso.Paulit-ulit, araw-araw na gawain.Pagsapit ng Sabado ng umaga, sa laot nakatanaw na, hinihintay ang bangkang sasakyan niya.May ngiti na namang uuwi sa pamilyang minamahal.Isang gabing kapiling sila, ay susulitin na, dahil kinabukasan, Linggo ng umaga ay aalis na naman.Upang sa isla ay magtungo na.

Isang taong ganito ang trabaho, nakapapagod at nakawawala ng pag-asa subalit dahil sa mag-aaral na naghihintay sa kanya ay nagpapakatatag siya.

Marami sa mga guro ay tumatanggi kapag dinala sa malayo upang magturo, subalit para sa akin ito ang pinakamagandang karanasan na baon ko hanggang ngayon.Magandang karanasan na minsan mo lang mararanasan,Magsisilbing daan upang matutong maging matatag, matiyaga,mapagmahal at tanggapin ang mga hamon sa propisyong iyong pinili.

Subalit ang kapalit ng mga sakripisyong ito, ay pasasalamat ng mga batang naghihintay,umaasa at naghahangad na matuto ng dahil sa iyo.Paano na sila kung walang isang tulad mong guro na matatag at matiyaga na tumanggap ng hamon sa isla? May pag-asa pa kaya sila?

Isla,puno ng kuwento,aral at tagumpay ng isang guro at mag-aaral.