“HONESTO”
Post date: Mar 10, 2014 7:00:17 AM
by: Haydee C. Chavez
Kilala mo ba si Honesto? O may kilala ka bang Honesto? Marahil ang isasagot mo sa akin ay, “Oo” o “Meron. ” Siya ay si Honesto na kaibigan mo o kasamahan mo sa trabaho pero ang Honestong tinutukoy ko ay ang HONESTO ng makabagong panahon. Ang taong sumisimbolo sa pagiging matapat.
Ang katapatan o pagiging matapat ay nangangahulugan ng pagiging sinsero sa pakikipag-usap, totoo sa mga sinasabi o ginagawa, tapat sa tungkulin saanman, kaninoman, kailanman at maging sa ano pa man. Ito ang isa sa pinakamagandang asal na dapat taglayin ng isang tao, bata man o matanda, lalaki o babae. Sabi nga sa isang gasgas na kasabihan, “Honesty is the best policy.”
Sa panahon ngayon, marami sa ating mga kababayan ang dumaranas ng kahirapan pero nakakatuwang isipin na kahit ganoon ang kanilang sitwasyon, nananatili pa rin silang matapat at matatag. Tulad na lang ng isang taong kakilala ko. Isa siyang ama ng tahanan at simpleng empleyado na nangangarap na maging regular sa kanyang trabaho bilang drayber. Si G. Alexander P. Diwa, drayber sa Kagawaran ng Edukasyon sa Lungsod ng Balanga ay si Honesto na karapat-dapat nating tularan. Nakapulot siya ng ID ng isang estudyante na may nakaipit na limandaang piso (Php500.00). Kung tutuusin sa estado ng kanilang pamumuhay, ang halagang ito ay malaki nang karagdagan para sa kanilang pangangailangan ngunit hindi siya naghangad bagkus masaya niya itong ibinigay sa punung-guro ng eskuwelahang pinapasukan ng estudyanteng may-ari ng ID na napulot niya. Nanaig sa kanya ang katapatan dahil ang ugaling ito ay nakaukit na sa kanyang puso at isipan.
Sa buhay natin, mahalaga ang pagkakaroon ng reputasyon bilang matapat at mapagkakatiwalaang tao. Wala sa kayamanan, hitsura o estado man sa buhay upang maipakita ang pagiging matapat subalit nakakalungkot na karamihan sa mga tao sa ngayon ay nakalugmok sa kasakiman sa materyal na mga bagay lalo na sa salapi kaya bibihira na ang katulad ni Mang Alex na naging matapat sa sarili at sa kapwa.
Kapag ikaw ay naging matapat katulad ni Mang Alex, maraming pagpala kang matatamo tulad ng mga sumusunod:
1. pagkakaroon ng malinis na budhi;
2. pagtatamasa ng tunay na kaligayahan at kapayapaan;
3. pagkakaroon ng mabuting pangalan o reputasyon;
4. pagtatamo ng tiwala mula sa mga taong nakapaligid sa iyo at
5. mapapanatili ang mabuting kaugnayan sa Diyos
Ikaw, gusto mo bang tamasahin ang mga pagpapalang ito? Bakit hindi mo subuking maging si “Honesto”?