Tagumpay ng Isang Guro
ni Emily D. Madarang
Teacher II - T. Camacho Sr. Elementary School
Date posted: Feb. 20, 2019 | 5:10 PMAno nga ba ang tungkulin ng isang guro? Gumising sa umaga, pumasok araw- araw at magturo? Ito ang lagi nating nakikita sa isang pangkaraniwang guro sa paaralan, ngunit, hindi batid ng karamihan na ang tunay na tungkulin ng isang guro ay hindi natatapos sa isang araw na paggawa ng mga gawaing pampaaralan.
Ang mga guro ay hindi lamang ina ng iba’t-ibang bata sa paaralan kundi isa ring dakilang ina sa tahanan.
Handang magsakripisyo para sa pamilya at sa maraming batang umaasa sa kaniya.
Paggising sa umaga,magsisimula na ang trabaho ng isang guro, mula sa pag-aasikaso sa mga anak na papasok rin sa paaralan, asawa na papasok naman sa opisina, diretso naman sa mga tungkulin sa paaralan ang guro. Matapos magturo, nandiyan ang iba’t-ibang sulatin at gupitin,bukod pa ang gawaing ibinigay ng boss niya.Walang pagod at walang sawa sa paggawa,animo’y trumpo na ikot ng ikot at hindi napapagod.
Walang nasasayang na oras pagdating sa paaralan, laging handang magturo ng pagbasa, pagsulat at pagbibilang, pag-alalay,pagdisiplina at paggabay. Gayundin sa tahanan, ang pag-aasikaso at pagtuturo sa mga anak naman, talagang tunay na ang sipag at husay ay hindi matatawaran.
Subalit, hindi pa ito ang tagumpay ng isang guro, ang tunay na tagumpay niya ay ang makitang muli ang kanyang dating mag-aaral na nagtagumpay sa buhay at sa larangang pinili niya, gayundin, sa kanyang mga anak na maluwalhati niyang naidaos sa mahabang taon ng pag-aaral na sa bawat mag-aaral na kanyang tinuruan ay naipasa na din niya ang karunungang natutunan din niya.
Ang tunay na tagumpay nang isang guro ay ang tagumpay ng kanyang mga minamahal na anak at mag-aaral na nagsisilbing inspirasyon nang isang guro.