Pagbabaliktanaw: Pagpapahalaga sa Kasaysayan ng Wikang Pambansa

Post date: Mar 8, 2018 3:16:44 AM

Ni: Flordeliza B. Castor

Teacher III – Bataan National High School

Nang mauso ang jejemon, gaylinggo at iba’t ibang barayti ng wika, unti-unti nagulo ang usapan, lalo at dumating ang mga milleneals, nauso ang “werpa [power], lodi [idol]” ang wikang Filipino ano ka ba? Patuloy ka bang umuunlad habang ang panahon ay mabilis na umuusad?

Ayon kay Felipe R. Jose (1934), kailangan natin na ngayon pa’y mahalin ang kalayaan at kaluluwa ng bayan - ang wikang sarili. Kaya lamang tayo maging marapat sa kalayaan ay kung maipagsasanggalang natin ang banal na kaluluwa ng bayan, ang wikang sarili. Sapagkat, ang wika ng alinmang bansa sa sansinukob ay siyang ginagamit na mabisang kasangkapan sa pagpapahayag ng kanilang damdamin, sa pagtuklas ng karunungan at pagtatanggol ng karapatan.

Ang pagkilala sa ating sariling wika ay pagpapakita ng pagmamahal sa isa sa pagkakakilanlan ng ating bayan at ito ay patuloy na nagiging bahagi nang kasaysayan at ng ating kultura.

Kaya nga mahalagang ugatin natin ang pagkabuo ng ating sariling wika upang patuloy natin itong mahalin at mapahalagahan.

Nang unang dumating ang mga kastila, nakilala natin ang wikang Espanyol bilang pangunahing wika ng bansa, ngunit sinabi ni Simoun, isa sa pangunahing tauhan ng nobelang El Filibusterismo, (1891) “Hindi magiging wika ng lahat sa bayang ito ang Kastila, hindi ito magiging salita ng bayan kailanman sapagkat wala sa wikang ito ang mga pariralang katumbas ng mga dadalumat sa isip ng bayan at mga damdamin ng sa puso nito. May sarili ang bawat bayan, kung paanong may sarili itong pandama. Kayong iilang nakapagsalita nito, ano ang mapapala nyo sa kastila? Ang kamatayan ng inyong orihinalidad, ang pagsuko ng inyong mga kaisipan, kaya’t sa halip na maging malaya ay lalo lamang tayong magiging tunay na alipin.

Kaya nang dumating ang mga Amerikano, ang Ingles at Kastila ay patuloy na ginamit bilang wikang opisyal hangga’t wala pang naitatadhanang batas.

Sa pananakop ng mga Amerikano noong 1939, idineklara ang Ingles na wikang opisyal. Ang wikang Ingles ang ginawang tanging midyum ng pagtuturo sa lahat ng paaralan. Sa panahon ring ito, pinahintulutan na ang mga katutubong wika ang gamitin bilang pantulong na midyum ng pagtuturo tuwing nahihirapan ang mga mag-aaral.

Ang unang hakbang sa implementasyon ng probisyong konstitusyunal na ito ay inihayag sa pamamagitan ng kautusan tagapagpalaganap Bilang 134. Inihayag na ang wikang Pambansa ng Pilipino ay batay sa wikang Tagalog. Isang taon pagkatapos ay itinakda sa sirkular Bilang 71, may petsang Disyembre 5, 1939 ang gamit ng wikang pambansa bilang pantulong na midyum sa pagtuturo sa mga gradong primarya. Sinundan ito na D.O. Blg. Abril 1, 1940 na nagtatakdang ang wikang pambansa ay ituturo sa mga paaralang pangsekondarya at normal. Dito nalathala ang mga diksyunaryo, aklat pangwika na gagamitin sa pagtuturo.

Taong 1941, nang ang ilang kolehiyo at unibersidad sa bansa ay nagturo ng mga kurso sa Tagalog na siyang naging batayan ng wikang pambansa.

Ang paggamit ng katagang “Pilipino” sa pagtukoy sa wikang pambansa ay iniatas sa bias ng kautusang Pangkagawaran Blg. 7, Agosto 13, 1959.

Ayon naman sa Saligang Batas ng 1973, ang Batasang Pambansa ay marapat lamang gumawa ng mga hakbang tungo sa paglinang at pormal na adopsyon ng isang panlahat na wikang pambansa at tatawagin itong “Filipino”.

Sa dahilang walang batas o kautusang nagpapatupad tungkol sa pagiging “Filipino” ng tawag o pangalan ng wikang pambansa, nagpatuloy ang nomenklaturang “Pilipino”.

Subalit ang nabuong Sanggunian ng Surian ng Wikang Pambansa ay humiling sa DECS na ipatupad sa lalong madaling panahon. Ang NBE Resolusyon Blg. 73.7 na pinagtibay noong Agosto 7, 1973. Ito ang Patakarang Edukasyong Bilingguwal – ang gamit ng Pilipino [hindi “Filipino] sa mga piling asignatura at ang Ingles sa iba namang paksang aralin.

Taong 1987, ipinalabas ang patakaran sa Edukasyong Bilingguwal [Kautusang Pangkagawaran Blg. 52 s. 1987. Mayo 21, 1987]. Ito ay pagtugon sa mga probisyong pangwika ng Konstitusyon ng 1987. Kaugnay nito, isinasagawa din ang pagrerebisa nito kaya nagkaroon ng mataas na pagkilala sa Rehiyunal na wika, na kung saan ang wikang Panrehiyon ay gagamiting pantulong na mga wika sa Baitang 1 at 2 na dati ay limitado lamang sa bernakular na ginagamit sa pook o lugar na kinaroroonan ng paaralan.

Gamitin ang kasaysayan ng wikang pambansa. Na dapat bilang tagapagtaguyod pahalagahan natin ito! Mabago man ang ilang salita dahil na rin sa mga makabagong teknolohiya na ibig sabihin lang nito umuunlad ang wika mananatili pa rin ang ating Wikang Pambansa FILIPINO.

Agosto 25, 1988, ipinalabas ang Batas Tagapagpalaganap Blg. 335 na nag-aatas sa lahat ng kagawaran [Karaniwan/ Opisyal/ Ahensya/ Instrumentaliti ng Pamahalaan na nagsasagawa ng mga hakbang na kailangan para sa layuning magamit ang Filipino sa opsiyal na mga transaksyon, komunikasyon at korespondensiya].

2003, sa panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, nagpalabas ng batas na nagbabalik sa wikang Ingles bilang pangunahing wikang panturo upang makalahok ang ating bansa sa pandaigdigang pamilihan.

Binuo ang kautusang Pangkagawaran Blg. 74.s.2009 na nag-aatas sa Kagawaran ng Edukasyon ang pagsasainstitusyon ng Multilingguwal na Edukasyon [MLE], sa kautusang ito gagamitin ang unang wika ng mga mag-aaral bilang midyum ng pagtuturo sa lahat ng asignatura mula sa baitang 1 hanggang 3.

Sa kasalukuyan, maliwanag na kinilala ang Filipino bilang Wikang Pambansa ng Pilipinas.

Sinasabing patuloy sa pag-usad ang panahon, madaming nauuso, maraming pagbabago na sa kasabay ng pag-unlad at paggamit ng teknolohiya, nakikisunod din ang ating wika dahil sa pagiging mapagbago nito.

Sa huli, ang pinakamahalaga sa lahat, upang patuloy na mabuhay at lumago ang wikang Filipino nararapat lamang saan man tayo magpunta, anoman ang ating marating, patuloy nating gamitin, tangkilikin at payabungin ang wikang sarili.

Bibliograpiya

Pineda, Ponciano B., Wikang Filipino sa Sistema ng Edukasyon, Ikalawang Bahagi. “Patuloy sa Bagong Milenyum ang Matuling Nagmemetamorfosis na Wikang Filipino: Noon Ngayon”, p.95-100.