PERSEPSYON NG MGA MAG-AARAL SA PAGIGING MALAPIT NILA SA KANILANG MGA MAGULANG

Post date: Jun 1, 2015 8:08:18 AM

By: Gemma M. Manalo

Teacher III

Bataan National High School

Pagmamahal, kalinga at oras. Tatlong simple ngunit importanteng bagay na dapat naibibigay ng magulang sa kanilang lumalaking anak . Simple ngunit mahirap ibigay pero kailangan sapagkat ang pagkukulang sa alinman dito ay maaaring magdulot ng paglayo ng damdamin ng bata sa kanilang magulang.

Nais ng isang bata na nasa kanya ang atensyon ng kanyang mga magulang at kung hindi niya nararamdaman ang pagmamahal na hanap niya, nagiging dahilan ito ng kanilang pagrerebelde. Nababaling ang atensyon na hanap nila sa barkada o sa ibang bagay na sa kanilang palagay ay nagbibigay ng kasiyahan subalit lingid sa kanilang kaalaman ito pala ay nagdudulot sa kanila ng masamang impluwensya .

Minsan habang ako’y nag iisa sa aking kwarto at naghahanda para sa aking susunod na klase, isang mag-aaral ang lumapit sa akin at nagtanong kung maaari daw ba niya akong makausap upang ilahad ang kanyang nararamdaman. Ayon sa kanya, pakiramdam niya ay wala nang magandang patutunguhan ang kanyang buhay dahil naghiwalay ang kanyang mga magulang. Dahil dito gusto na din niyang huminto sa pag-aaral. Hindi daw niya alam kung saan siya pupunta at kung kanino sasama, kung sa ama ba niya na may iba ng kinakasama sa buhay o sa kanyang ina. Sa kasalukuyan daw pinili niya na tumira na lang sa kanyang lolo at lola. Marami pa kaming napag-usapan ng bata, pati na ang malulungkot niyang karanasan sa piling ng kanyang mga magulang. Ako ay labis na nabigla at naantig sa kanyang kwento, sapagkat sa ganong edad bilang isang mag-aaral ng grade 7, ganoon na pala kalalim ang kanyang dalahin sa dibdib.

Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa sa mga kabataan na nasa edad 16-18 napag-alaman na karaniwang malapit ang mga anak sa kanilang ina sa kadahilanang ang ina ang nagluwal sa kanila. Ganunpaman, karaniwan na sa atin ngayon ang mga inang naghahanapbuhay din upang makatulong sa kanilang mga asawa na matugunan ang pinansyal na pangangailangan ng pamilya. At dahil parehong naghahanapbuhay ang mga magulang, nawawalan sila ng sapat na oras o panahon na tingnan at asikasuhin ang kanilang mga anak. Halos sa sobrang pagiging abala sa trabaho ni hindi na nagkakaroon ng pagkakataon na makausap ang mga anak o makumusta man lang ang kanilang pag-aaral. At ito ang itinuturing na nagiging sanhi o dahilan ng pagkapariwara ng bata dahil sa kakulangan ng wastong paggabay ng mga magulang.

Karaniwan din umanong brutal ang ilang magulang at inaabuso ang kanilang mga anak na nagiging dahilan naman ng paglalayas ng mga bata. Minsan ay pwersahang pinagtatrabaho ang mga bata upang kumita ng pera o kaya naman ay pinagbubuhusan ng galit kapag may pangyayaring di maganda kahit na walang kinalaman ang kanilang anak.

Ang ilan naman ay nakadepende sa kung sino ang nakakasama nila sa bahay. Kung minsan ay nangingibang bayan ang magulang o di kaya ay maaga silang naulila.

Sa huli, ang pag-aaruga at pagmamahal sa mga anak ang siyang hindi dapat magkulang o mawala sa isang pamilya. Ang mga anak ay dapat ituring na kayamanan ng haligi at ilaw ng tahanan at dapat pangalagaan, mahalin at ingatan sapagkat sa pagdating ng takdang panahon ang mga anak na ating minahal at inaruga mulang pagsilang hanggang paglaki ang siya nating magiging gabay at alalay sa ating pagtanda.