“El Éxito” (ANG TAGUMPAY)
Post date: Apr 10, 2017 1:00:12 AM
Ni: Edryll R. Contreras
Sinasabing ang musika ang lenggwahe ng mga puso. Kung natutuwa, masaya ang ritmo ng mga puso. Kung malungkot, umiiyak naman ang mga nota ng isang kanta. Musika din ang tagapag – ugnay ng mga tao sa mundo. Ang isang kanta ay tumatawid sa mga hangganan ng bansa upang magsilbing koneksyon sa mga taong nananahan dito. Iba – ibang himig. Samut saring tinig. Iisang layunin. Subalit ang musika, maaari ring maghatid sa tao sa TAGUMPAY!
MELODIYA NG PAGLALAKBAY, Enero 20, 2017, kasisilay pa lamang ng araw, ay nakahanda na ang ako at aking mag-aaral sa Spanish na si Chlarisse Hannah A. Paje para sa isang paglalakbay sa Dipolog City. Subalit, hindi tulad ng ordinaryong paglalakbay, hindi kami pupunta sa dulong bahagi ng bansa sa timog para saksihan ang mga natatangi at magagandang tanawin ng rehiyon. Taliwas din ito sa ginagawa ng turista na pagtikim sa masasarap na pagkain. Lalong hindi kami kukuha ng magagandang larawan na ipopost sa aming social media account. Isa lang ang aming pakay: ang iparinig sa buong Pilipinas ang tinig ng isang Arellanista.
Ipinaramdam agad sa amin ng mga mag – aaral at guro ng Pilot Elementary School ang isang mainit na pagsalubong. Sulit ang lahat ng pagod at paghihintay dahil sa isang sinserong pagtanggap.
RITMO NG PAGHAHANDA, Nagtungo ang aming deligasyon sa Jose Rizal Memorial State University (JRMSU) Turno Campus para sa Pambungad na Programa. Iba sa pakiramdam na makita ang mga kalahok mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Pinagbigkis ang mga taong naroroon ng iisang dayalekto: ang dayalekto ng pagtuturo at pagkanta. Matapos ito, binusog namin ang aming sarili ng isang pananghalian na sinundan ng mensahe at pananalita ng mga regional coordinators. Sa parehong araw, idinaos ang isang solidarity meeting na pinangunahan ng Department of Education Central Committee.
HARMONIYA NG KOMPETISYON, Sinimulan ang paggulong ng labanan, Enero 25 sa pamamagitan ng SPFL Cosplay Competition. Iba’t ibang rehiyon ang nakilahok sa nasabing paligsahan na kinatampukan ng mga pamosong lenggwahe sa mundo tulad ng German, Mandarin, Spanish, French, at Japanese, patunay na ang edukasyon sa Pilipinas ay kumikilala at nagbibigay – halaga sa kultura ng iba’t ibang bansa sa mundo.
Hapon ng parehong araw, isinagawa ang SPFL Challenge na muling sinalihan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas. Pinalad ang aking mag-aaral na maging kinatawan ng Rehiyon III at higit na naging maswerte nang masungkit ko ang ikalawang pwesto.
Kinabukasan isinagawa ang patimpalak ng pagkanta, ang sinasabing pinakatampok na kompetisyon. Higit ang aking naging kaba at takot dahil ang aking estudyante na si Chlarisse, nasa ika – walong grado, ang pinakabata sa mga kalahok na beterano na sa ganoong uri ng kompetisyon. Ang mga gurong tagasanay din na naroon ay matagal nang sumasali sa nasabing kompetisyon. Bagamat ikalawang taon na naming sa naturang pambansang kompetisyon mababakas pa rin ang tension sa aming mga mukha.
TINIG NG TAGUMPAY, Sa ikalawang pagkakataon muling inirepresenta ng Bataan National High School sa pambansang kompetisyon sa pagkanta ang rehiyon tatlo. Tila suntok sa buwan ang paglaban sa mga batikang mag-aaral mula sa debisyon ngunit sa napakapambihirang pagkakataon lumusot ang Debisyon ng Balanga City dahilang para marating ang pambansang kompetisyon. Sa taong ito sa Dipolog City naganap ang pambansang labanan na kinabibilangan ng labing anim na matatag, bihasa, sanay at beteranong mga estudyante ang pinagsabong sa iisang laban. Walang urungan. Matira ang matibay. Talo ang kabahan. Matapos ang ilang linggong ensayo, ilang oras na biyahe, walang patid na paghihintay, hindi maputol – putol na kaba, takot, at pananabik, sa kauna – unahang pagkakataon, nakamit ng isang Arellanista ang tagumpay sa nasabing kompetisyon. Nasungkit ni Chlarisse ang IKATLONG PWESTO sa SPFL SINGING IDOL at maging sa SPFL-CHALLENGE. Ang tinig na dati’y naririnig lamang sa apat na sulok ng kanilang kwarto; ang boses na noo’y nangingibabaw lamang sa Bataan National High School; ang pag – awit na noong simula’y Rehiyon III lamang ang nakaririnig, ngayon, ang BOSES NA ITO AY PUMAILANLANG NA SA BUONG PILIPINAS!
Sinasabing ang musika ang lenggwahe ng mga puso. Kung natutuwa, masaya ang ritmo ng mga puso. Kung malungkot, umiiyak naman ang mga nota ng isang kanta. Musika din ang tagapag – ugnay ng mga tao sa mundo. Ang isang kanta ay tumatawid sa mga hangganan ng bansa upang magsilbing koneksyon sa mga taong nananahan dito. Iba – ibang himig. Samut saring tinig. Iisang layunin. Subalit ang musika, ITO ANG NAGHATID SA AMIN SA TAGUMPAY!