Latest News‎ > ‎

“Ponche a la Luna” (SUNTOK SA BUWAN)

posted Mar 21, 2016, 3:27 AM by Web Administrator
Ni: Edryll R. Contreras



Sinasabing ang musika ang lenggwahe ng mga puso. Kung natutuwa, masaya ang ritmo ng mga puso. Kung malungkot, umiiyak naman ang mga nota ng isang kanta. Musika din ang tagapag – ugnay ng mga tao sa mundo. Ang isang kanta ay tumatawid sa mga hangganan ng bansa upang magsilbing koneksyon sa mga taong nananahan dito. Iba – ibang himig. Samut saring tinig. Iisang layunin. Subalit ang musika, maaari ring maghatid sa tao sa TAGUMPAY!

MELODIYA NG PAGLALAKBAY, Pebrero 22, 2016, kasisilay pa lamang ng araw, ay nakahanda na ang aming grupo para sa isang paglalakbay sa General Santos City. Subalit, hindi tulad ng ordinaryong paglalakbay, hindi kami pupunta sa Rehiyon XII para saksihan ang mga natatangi at magagandang tanawin ng rehiyon. Taliwas din ito sa ginagawa ng turista na pagtikim sa masasarap na pagkain. Lalong hindi kami kukuha ng magagandang larawan na ipopost sa aming social media account. Isa lang ang aming pakay: ang iparinig sa buong Pilipinas ang tinig ng isang Arellanista.

Ipinaramdam agad sa amin ng mga mag – aaral at guro ng Pedro Acharon Elementary School ang isang mainit na pagsalubong. Sulit ang lahat ng pagod at paghihintay dahil sa isang sinserong pagtanggap.

RITMO NG PAGHAHANDA, Nagtungo ang aming grupo sa Lagao Gym para sa Pambungad na Programa. Iba sa pakiramdam na makita ang mga kalahok mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Pinagbigkis ang mga taong naroroon ng iisang dayalekto: ang dayalekto ng pagtuturo at pagkanta. Matapos ito, binusog namin ang aming sarili ng isang pananghalian na sinundan ng mensahe at pananalita ng mga regional coordinators. Sa parehong araw, idinaos ang isang solidarity meeting na pinangunahan ng Department of Education Central Office.

HARMONIYA NG KOMPETISYON, Sinimulan ang paggulong ng labanan, Pebrero 23 sa pamamagitan ng SPFL Cosplay Competition. Iba’t ibang rehiyon ang nakilahok sa nasabing paligsahan na kinatampukan ng mga pamosong lenggwahe sa mundo tulad ng German, Mandarin, Spanish, French, at Japanese, patunay na ang edukasyon sa Pilipinas ay kumikilala at nagbibigay – halaga sa kultura ng iba’t ibang bansa sa mundo.

Sa sumunod na araw, isinagawa ang SPFL Challenge na muling sinalihan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas. Pinalad akong maging kinatawan ng Rehiyon III at higit na naging maswerte nang masungkit ko ang ikalawang pwesto.

Sa pag – usad ng mga oras ay ang pag – andar din ng kaba at pagkasabik sa magiging resulta ng Singing Idol, ang sinasabing pinakatampok na kompetisyon. Higit ang aking naging kaba at takot dahil ang aking estudyante na si Chlarisse Hannah Paje, nasa ika – pitong grado, ang pinakabata sa mga kalahok na beterano na sa ganoong uri ng kompetisyon. Ang mga gurong tagasanay din na naroon ay matagal nang sumasali sa nasabing kompetisyon. Kami? Bago. First timer. Walang karanasan. Kasasabak sa bagong larangan. Subalit, hindi malalaman, kung hindi susubukan. Hindi makakapunta sa parooonan, kung hindi tatangkaing maglakad. Walang matatapos, kung hindi magsisimula. Nung pagkakataong iyon, nais naming patunayan na WALANG MALAKING NAKAPUPUWING.

TINIG NG TAGUMPAY, Sa kauna-unahang pagkakataon na nagbukas ang pintuan ng Bataan National High School sa Lenggwaheng Espanyol kaagad itong sumubok nalumahok sa pangrehiyong kompetisyon sa pagkanta. Tila suntok sa buwan ang paglaban sa mga batikang mag-aaral mula sa debisyon ngunit sa napakapambihirang pagkakataon lumusot ang Debisyon ng Balanga City dahilang para marating ang pambansang kompetisyon. Sa General Santos City naganap ang pambansang labanan na kinabibilangan ng labing anim na matatag, bihasa, sanay at beteranong mga estudyante ang pinagsabong sa iisang laban. Walang urungan. Matira ang matibay. Talo ang kabahan. Matapos ang ilang linggong ensayo, ilang oras na biyahe, walang patid na paghihintay, hindi maputol – putol na kaba, takot, at pananabik, sa kauna – unahang pagkakataon, nakamit ng isang Arellanista ang tagumpay sa nasabing kompetisyon. Nasungkit ni Chlarisse ang IKALAWANG PWESTO sa SPFL SINGING IDOL. Ang tinig na dati’y naririnig lamang sa apat na sulok ng kanilang kwarto; ang boses na noo’y nangingibabaw lamang sa Bataan National High School; ang pag – awit na noong simula’y Rehiyon III lamang ang nakaririnig, ngayon, ang BOSES NA ITO AY PUMAILANLANG NA SA BUONG PILIPINAS!

Sinasabing ang musika ang lenggwahe ng mga puso. Kung natutuwa, masaya ang ritmo ng mga puso. Kung malungkot, umiiyak naman ang mga nota ng isang kanta. Musika din ang tagapag – ugnay ng mga tao sa mundo. Ang isang kanta ay tumatawid sa mga hangganan ng bansa upang magsilbing koneksyon sa mga taong nananahan dito. Iba – ibang himig. Samut saring tinig. Iisang layunin. Subalit ang musika, ITO ANG NAGHATID SA AMIN SA TAGUMPAY!
Comments